Kaya out sa pictorial ng winners… NADINE, AFTER MAG-BEST ACTRESS, FAMAS NILAYASAN


SI Nadine Lustre ang itinanghal na Best Actress sa katatapos lamang na 67th Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards Night na ginanap last Sunday sa Meralco Theater, Pasig City para sa pelikulang Never Not Love You.
“Oh, my God!” ang unang namutawi sa labi ni Nadine sa kanyang acceptance speech.
“Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon, mixed emotions po,” she added.
Kasunod nito ay inilahad ni Nadine ang struggles niya before doing the film.
“October 2017 po kasi, mayroong isang malaking bagyo na dumaan sa buhay ko. And sobrang malaking damage din po ang ginawa nito sa akin, so a few months po before namin umpisahan ‘yung Never Not Love You, palagi ko pong iniisip kung itutuloy ko kasi nararamdaman ko na baka ma-disappoint ko lang po sina Direk Tonette (Jadaone, direktor ng movie) and sina Boss Vic (del Rosario of Viva Films, producer ng pelikula). Ilang beses ko rin pong gustong umatras,” pahayag ni Nadine.
Hindi naman kaila sa lahat kung ano ang malaking bagyong sinasabi ni Nadine at ito ay ang pagkamatay ng kanyang younger brother.
Sinabi rin ng aktres na sobrang proud siya to be able to do the film during the lowest point of her life.
“‘Yung reason po kasi talaga kung bakit sobrang proud and sobrang unforgettable po nitong pelikula na ‘to para sa akin is kahit po nandu’n ako sa lowest point ko, naitawid ko po ang pelikula with flying colors.”
Of course, hindi nakalimutang magpasalamat ni Nadine sa lahat ng mga dapat pasalamatan kabilang na ang mga fans and supporters, family, Viva Films, Direk Tonette and partner-director na si Dan Villegas, at sa lahat ng bumubuo sa Never Not Love You.
Lastly, puwede ba namang makalimutang pasalamatan ni Nadine ang boyfriend niyang si James Reid at co-star din sa Never Not Love You?
“And of course, kay James na palagi akong ipinu-push to give my very best. And sinisigurado po na naaalala ko na I am bigger and stronger than any storm that will come my way.
“Para po ito sa kanila, ang award na ‘to,” sabi ni Nadine.
Pagkatapos na pagkatapos ng Gabi ng Parangal ay may intriga na agad kay Nadine. Sa post ng kasamahang si KC Guerrero sa Facebook ay bigla raw nawala ang aktres after the awards night kahit sinabihan na raw ang mga winners na huwag munang aalis for photo opportunity.
Wala tuloy si Nadine sa all winners pictorial at hindi nga naman maganda kung wala ang Best Actress sa photos na maglalabasan sa mga diyaryo.
Nag-apologize naman daw ang Viva Films sa pag-alis ni Nadine, ayon pa sa sumunod na post ni KC.





Comments