HOTSHOTS VS. BEERMEN SA FINALS


SWAK sa finals ang Magnolia Hotshots matapos nilang patalsikin ang Rain or Shine, 63-60, sa do-or-die overtime Game 7 ng PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals kagabi sa Araneta Coliseum. Tumikada sina Paul Lee at Ian Sangalang ng tig-11 points upang tulungan ang Hotshots na isampa sa championship round. Makahaharap ng Pambansang Manok, Magnolia ang defending champion San Miguel Beer sa finals.
Samantala, markado ang balik import na si Rob Dozier sa 2019 PBA Commissioner’s Cup. Maglalaro muli sa PBA si Dozier, 33, bilang reinforcement ng Phoenix Fuel Masters. Sinungkit ni 6-foot-9 Dozier ang Best Import award nang akayin nito sa kampeonato ang Alaska sa midseason conference noong 2013, sinagasaan nila sa tatlong laro ang Barangay Ginebra.
Bukod sa opensa ay nangalabaw si Dozier sa rebounds, swak ang height niya sa 6-10 limit na torneo. Nakalsuhan ang kampanya ng Fuel Masters sa Philippine Cup noong Huwebes nang yumuko sa San Miguel Beer sa limang laro. Unang salang ng Phoenix sa semifinals, sapul nang mag-PBA noong 2016, top seed sila sa pagkatapos ng 11-game elimination round. Paniguradong babantayan ang Fuel Masters sa susunod na conference. “Iyon na rin ang goal namin, hindi na magbabago,” saad ni coach Louie Alas. Darating sa kalagitnaan ng Mayo si Dozier at ilang araw lang na pahinga ay sasabak na siya sa ensayo.(ATD)





Comments