Dahil sa lumalalang kaso ng tigdas TRUMP SA US CITIZENS: MAGPABAKUNA
HINIKAYAT ni U.S. President Donald Trump ang kanyang mamamayan na magpabakuna kontra tigdas.
Ito ay matapos umakyat sa halos 700 ang naitalang kaso ng tigdas, ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Batay sa tala, ito umano ang pinakamataas na bilang ng kaso ng tigdas sa bansa sa loob ng 25 taon. Gayunman, dahil sa misinformation, nagbago ang pananaw ng mga magulang sa pagpapabakuna dahilan para bumaba ang vaccination rates sa U.S.
“The vaccinations are so important,” ani Trump.
Ang pahayag ng pangulo ay kasunod ng pagsailalim sa quarantine ng daan-daang estudyante at staff ng dalawang unibersidad sa Los Angeles, California dahil sa posibleng pagkahawa sa tigdas.
Samantala, taliwas umano ang paghimok ni Trump sa US citizens na magpabakuna sa kanyang mga naging pahayag noong 2012 at 2015.
Noong 2012, sinabi ni Trump sa isang tweet na ang bakuna ay nagiging sanhi ng pagdami ng kaso ng autism sa mga bata.





Comments