EXCITING GAMES NG FOOTBALL, ABANGERS SA PPL OPENING
- A. Servinio
- Apr 27, 2019
- 1 min read

MAGBUBUKAS na ngayong araw ng Sabado ang unang torneo ng Philippine Premier League (PPL) at dalawang matinding laro agad ang bubungad sa mga tagahanga ng Football sa makasaysayang Rizal Memorial Stadium.
Unang sasabak ang Green Archers United F.C. kontra sa Mendiola F.C. 1991 sa 4:00 p.m. at susundan ito ng pagbabalik ng Philippine Air Force laban sa Kaya F.C.-Iloilo sa 7:00 p.m. Kahit retirado na ang kanilang alamat na sina Chieffy Caligdong, isang bagong henerasyon ng Airmen ang gagawa ng bagong kabanata matapos mawala sa football ng ilang taon. Naghihintay sa PAF ang Kaya na maganda ang ipinakita ngayon sa kasalukuyang ginaganap na 2019 AFC Cup kontra sa mga bigatin ng Timog Silangang Asya.
Tiyak na mainit ang pagharap ng GAU at Mendiola na parehong kinabibilangan ng mga dating manlalaro ng De La Salle University at San Beda University na mga dominanteng koponan sa kanilang mga ligang pampaaralan. Masusukat na rin kung sino ang mas magaling sa UAAP o NCAA pagdating sa football.
Samantala, sa 26th NCRAA Men’s Volleyball noong Abril 16 sa NCBA-Fairview na inilathala noong Abril 18 sa BULGAR, wagi ang Asian Institute of Maritime Studies laban sa Philippine Merchant Marine School sa limang set, 25-19, 25-22, 16-25, 26-28 at 17-15.





Comments