LAMIG SA UZBEK, SAGABAL SA PHL RIDERS NG ASIAN CYCLING


MAGANDANG panahon ang panalangin at inaasahan ng mga Pinoy riders na sina Daniel Ven Cariño at Marc Ryan Lago sa kanilang pagsalang sa aksiyon ngayong araw sa individual time trial (ITT) ng 2019 Asian Cycling Championships na gaganapin sa Uzbekistan sa unang pagkakataon.
“Sana gumanda yung lagay ng panahon at hindi masyadong malamig,” wika ng 21-anyos na si Cariño, na sasabak sa 40-km Men Under-23 individual time trial ganap na alas-3:30 ng hapon doon - alas-6:30 ng gabi dito sa Pilipinas.
Sasabak naman ang 18-anyos na si Lago, sa 30-km Men Junior ITT ganap na 1:00 ng hapon -4:00 p.m. dito sa bansa. “Sobrang lamig,” anang Team Manager nilang si Ednalyn Hualda noong Lunes sa ginanap na License Check at Team Managers Meeting sa Three Pyramids Hotel sa Chorvoq Oromgohi. Bumagsak ang temperatura sa 10 degrees Centigrade na sinabayan pa ng malakas na ulan kaya lubhang nahihirapan ang pitong Pilipinong siklista na ipinadala doon ng PhilCycling sa tulong ng Go For Gold.
Humanap ng langis si Hualda na gaya ng gamit ng mga nanay dito sa Pilipinas kapag nagpapaligo ng kanilang mga sanggol upang magamit ng riders para mabawasan ang lamig na kanilang nararamdaman. Ngunit hirap silang makabili dahil lahat ay may Russian label at wala silang mapagtanungan tungkol sa paghahanap ng langis dahil wala silang makausap na marunong magsalita ng Ingles. Sa kabila nito ay nangako ang mga miyembro ng Philippine team na ibibigay lahat ng kanilang makakaya.
“Asian Championship ito at narito kami para ibigay ‘yung best namin,” sabi ni Cariño, ang Best Young Rider ng 2018 Le Tour de Filipinas.
Bukod kina Cariño at Lago, ang iba pang mga miyembro ng Philippine team ay sina Ismael Gorospe Jr., Joshua Mari Bonifacio at Jerico Lucero na sasalang sa Men Under 23 at Efren Reyes Jr. (18) at Ean Cajucom (17) sa Men Juniors massed start events sa Biyernes. (VA)





Comments