Tiis-tiis at tipid-tipid sa tubig at kuryente


KAWAY-KAWAY sa mga lalong nag-init dahil sa dumating na bill sa kuryente at tubig!
Wala naman tayong magagawa kundi magbayad at galingan pa ang pagtitipid.
Iba pa ang laban ng mga apektado ng kakulangan sa supply ng tubig at kuryente.
Bagama’t, tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa Malacañang na, “we are on top of it”.
Ayon sa ahensiya, kaugnay ng napipintong krisis sa suplay ng enerhiya sa bansa, tinutugunan na umano ang nasabing problema.
Patuloy daw ang meeting sa Palasyo ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan tinatalakay ang suliranin sa suplay ng enerhiya at maging sa tubig.
Kamakalawa nang muling inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa red alert at yellow alert ang buong Luzon grid.
Ito ay dahil pa rin sa manipis na reserba ng kuryente dahil sa mga hindi inaasahang pag-shutdown ng mga planta.
Kaugnay nito, iniutos ng DOE ang pagpapatupad ng Interruptible Load Program (ILP).
Hinihikayat din ang publiko na tumulong. Ilan sa mga maaari umanong gawin ay iwasan ang pagbukas-sara ng refrigerator, palaging linisin ang electric fan blades at aircon vents at i-unplug ang appliances-on-standby na hindi ginagamit.
Simpleng paraan pero, makatutulong nang malaki kung gagawin ng marami.
Sa ngayon, tiis-tiis at tipid-tipid muna.





Comments