ONLINE EDUCATION, NAGPASUKO SA DOBOL OT


NAGPAMALAS ng kanilang poise at composure ang AMA Online Education sa endgame upang maungusan ang Batangas-EAC, 122-119, sa larong umabot sa double overtime.Naitala ni Franky Johnson ang huling siyam na puntos para sa Titans upang makaahon mula sa tatlong sunod na kabiguan. Sa kabuuan, nagposte ang Fil-Am swingman ng 37 puntos, 5 rebounds, 4 assists, at 4 ding steals para sa AMA kasunod ni Joshua Munzon, na may 38 puntos, 16 rebounds, 7 assist at 6 steals.
Hindi na sana aabot sa dalawang extensions ang laban ngunit bigo si Munzon sa dalawang pagkakataong maipanalo ang Titans sa regulation at sa unang overtime.
Sa huli, si Johnson na ang nag-take over mula nang basagin niya ang huling pagkakatabla ng iskor sa 113-all, may 1:43 na lamang na nalalabi sa second overtime. “Siguro ‘yung composure na lang ng players. Sabi ko sa kanila, nandito na rin lang tayo so dapat manalo na tayo. Dapat may puso tayo na ipaglaban ‘yung team natin,” pahayag ni coach Mark Herrera.
Bunga nito, tumaas ang Titans sa markang 2-3 sa Aspirants Group, habang ipinalasap nila sa Batangas-EAC ang ika-4 na sunod nitong pagkabigo na nagbaba dito sa barahang 1-5. Pinangunahan nina Earvin Mendoza at Cedric De Joya ang natalong Generals sa itinala nilang tig-26 puntos. (VA)





Comments