MARIANO III, NAGKAMPEON; GM GOMEZ, NAKA-3 WINS NA

Photo: runrio
MATINDING hataw ang pinakawalan sa homestretch nina International Master Barlo Nadera at National Master Nelson Mariano III dala ang tig-aanim na puntos mula sa limang panalo at dalawang draws pero ang mas mataas na tiebreak points ang nagbigay ng kampeonato kay Mariano sa pagtatapos ng 2019 MCC FIDE Rated Standard Open Chess Tournament sa Mandaluyong.
Bukod sa mga tagumpay ni Mariano laban kina Fide Master Adrian Ros Pacis (round 3), NM Noel Dela Cruz (round 7), Alwin Sopungco (round 6), Joel Ambas (round 2) at Yushua Zakiy Ismail De Leon (round 1); gayundin ang tabla kontra kina Nadera (round 5) at NM Emmanuel Emperado (round 4), sinandalan ng kampeon ang performance rating na 2008 para maitakbo ang unang puwesto.
Nakuntento si Nadera sa pagiging bridesmaid sa kabila ng panghihiya niya kina Emperado, Jericho Santiaguel, Cyrus Vladimir Francisco, Cris Cuntapay at WNM Carmelita Abanes at sa pakikipaghatian ng puntos kina Jose Carlo Castro at Mariano. Ang untitled pero 6th ranked na si Castro ang umokupa sa huling upuan ng podium sa iskor na 5.5 puntos samantalang ang paslit na si Khalel Cedric Arbis, 11-anyos at may rating na 1497 ay nagpakita ng potensiyal nang angkinin ang pang 11-baytang sa 4.5 puntos sa paligsahang may 50 disipulo ng ahedres.
Samantala, sa bakbakan ng Eastern Asia FIDE Chess Championships Zone 3.3 sa Ulaanbaatar, Mongolia, nakapagposte na si Pinoy Grandmaster John Paul Gomez ng tatlong panalo at dalawang draws para makasosyo ang isang Mongolian (no. 5 FM Urtnasan Nasanjargal) at isang Vietnamese (no. 12 IM Van Huy Nguyen) sa liderato dala ang 4 na puntos mula sa limang rounds.





Comments