Tanging sa itaas na lang humihingi ng milagro ang mga pamilya... HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA NG DEN
- BULGAR

- Apr 12, 2019
- 6 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

MAY anino, pero biglang nawawala, kinusot ko ang aking mga mata. Naalimpungatan pala ako, ngunit, tuluyan nang nagising ang aking diwa nang makita ko na may message sa messenger ko, ganito ang nakalagay, “‘Yung batang dinalaw namin sa Cavite ay lalong namayat at hindi nawawala ang lagnat”, ang sabi ni Gng. Sumachen Dominguez, ang administrador ng Samahan ng mga Magulang Anak ay Binakunahan ng Dengvaxia (SMABD). “Puro pain killer lang ang inirereseta sa bata, nakaaawa talaga”, dagdag pa niya.
Ano kaya ito at bakit pare-pareho ang nangyayari sa mga binakunahan ng Dengvaxia? Ayon sa findings ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team sa pangunguna ni Atty. at Dr. Erwin P. Erfe, “Dengvaxia Death Syndrome ito”! May mga pare-parehong sintomas at senyales na nagpapakita ng common pattern sa ulo at katawan ng mga biktima. Binigyang-diin ni Dr. Erfe na “Dengvaxia Death Syndrome (DDS)has 3 common patterns seen: (1) clinical signs and symptoms (headache, abdominal pain, fever); (2) autopsy findings (multi-organ enlargement and multi-organ bleeding; usual cause of death is pulmonary and brain bleeding); (3) histopathological findings- multi-organ failure and multi-organ hemorrhage.”
Ang mga sintomas ng Dengvaxia Death Syndrome ay nakita rin sa yumaong si Rose Al Magbanua, sampung (10) taong gulang na namatay noong Setyembre 12, 2018 sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), B. Rodriguez St., Sambag 2, Cebu City, Cebu. Si Rose Al ang pang-isandaan at dalawampu’t pito (127) sa mga nabakunahan ng Dengvaxia na sumailalim sa pagsusuri ng PAO Forensic Team pagkatapos hilingin ng kanyang mga magulang na sina Aldrin at Rosalinda Magbanua sa nasabing grupo ang kanilang serbisyo.

Si Rose Al ay naturukan ng Dengvaxia isang (1) beses noong Agosto 11, 2017 sa sports complex na malapit sa barangay hall sa kanilang lugar. Ang nasabing pagbabakuna ay pinamunuan ng kawani sa kanilang health center.
Noong 2012, nalaman ng mag-asawang Aldrin at Rosalinda na ang anak nilang si Rose Al ay may Hypokalemic Periodic Paralysis (hypoKPP). Ang kalagayang ito ng kanilang anak ang dahilan kung bakit siya noon ay nanghihina at hirap sa paglalakad. Pinasuri nila noon sa VSMMC si Rose Al at doon ay nalaman na may kakulangan sa potassium ang katawan ng kanilang anak.
Upang mapunan ang kakulangang ito, ininom niya ang gamot na inireseta sa kanya ng doktor sa loob ng isang (1) taon. Dahil may sakit sa bato si Rose Al, pinayuhan ang kanyang mga magulang ng doktor na mas mabuti kung herbal supplements ang kanyang inumin dahil masama sa kanyang kidney ang gamot na iniinom niya noon. Maliban sa pagpapainom sa kanya ng herbal medicines, siya ay binigyan din ng mga pagkaing mayaman sa potassium. Noong mga taong 2013, 2016, 2017, sa magkakahiwalay na panahon na nakasaad sa ibaba ay nagpakita ng mga manipestasyon ang naturang medical findings sa katawan ni Rose Al.

1. Taong 2013 - Nabali ang kaliwang kamay niya dahil sa pagkakadulas niya sa sahig. Nangailangan siya ng operasyon noon dahil dito, subalit, hindi ito natuloy sapagkat mababa ang kanyang potassium level.
2. Taong 2016 - Sumunod ding nabali ang kaliwang paa niya dahil natapakan ito ng bata. Hindi rin siya noon naoperahan dahil sa parehong dahilan na nabanggit sa itaas.
3. Abril 2017 - Nagreklamo ng pananakit ng puson si Rose Al. Naging madalas ang kanyang pag-ihi at inom din siya nang inom ng tubig noon. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.
4. Hunyo 28, 2017 - Inilipat siya ng kanyang mga magulang sa VSMMC upang ipasuri sa doktor para malaman kung ano ang sanhi ng mga nararamdaman niya. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito ay nalaman na mababa ang libel ng kanyang potassium, calcium at phosphorus.
5. Hulyo 5, 2017 - Isinailalim si Rose Al sa ultrasound. Doon ay nakitang maraming maliliit na bato sa kanyang kidney. Siya ay niresetahan ng gamot na pampatunaw sa nasabing mga bato.
6. Setyembre 2017 - Isinagawa ang bone scan kay Rose Al. Sa pamamagitan nito ay nalaman na marupok ang kanyang mga buto at siya ay may osteoporosis imperfecta.
Pagdating ng 2018, sa panimula ng taong ito ay nakitaan ng mga sumusunod na manipestasyon si Rose Al. Narito ang bahagi ng salaysay ng mag-asawang Aldrin at Rosalinda hinggil dito:
“Noong Enero 2018 ay namaga ang kanyang mukha at dalawang paa. Siya rin ay nakaluhod kung maglakad, sobrang hinang-hina rin siya noon. Siya rin ay nagkalagnat na may kasamang paglalagas ng kanyang buhok. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng dibdib at sakit sa parehong tuhod. Sumakit din noon ang mababang parte ng kanyang likod at ito rin ay namaga. Nagkaroon din siya ng bukol sa kaliwang paa. Napansin din namin na hindi natutunaw ang gamot na kanyang iniinom. Hindi bumuti ang naging kalagayan ng aming anak sa mga sumunod na buwan. Pilit niyang tinitiis ang kanyang mga nararamdaman.”
Bago natapos ang taong 2018, nagwakas ang maikling kabanata ng buhay ni Rose Al. Ang pangyayaring ito ay napakasakit hugutin sa gunita ng mag-asawang Aldrin at Rosalinda. Masasalamin sa sumusunod na pagtatapat nila sa PAO ang mga maralitang anak ng bayan — nasadlak na nga sa dusa dahil nag-agaw-buhay na ang pinakamumutya nilang anak, kailangan pang balikatin ang mga problema sa araw-araw, halimbawa, hinggil sa tirahan nila:
“Noong ika-12 ng Setyembre 2018, umaga habang kami ay pinalalayas sa aming inuupahang bahay, biglang sumigaw si Rose Al na masakit ang kanyang mga buto at hindi na niya kaya. Dinala ko (Rosalinda) siya sa health center ng Cordova para kumuha ng endorsement papuntang VSMMC. Dumating kami ru’n sa VSMMC at siya ay na-admit ng mga 2:30 ng hapon sa VSMMC. Pagsapit ng alas-singko ng hapon (5:00) ay nag-seizure si Rose Al at nangitim ang kanyang mga paa pataas sa kanyang ulo hanggang sa iginupo na siya ng kanyang kalagayan at siya ay nawalan na ng hininga. Sinubukan pa siyang i-revive, pero wala ng nangyari.”
Inamin ng mag-asawang Aldrin at Rosalinda na may problema sa kalusugan ang kanilang anak. (ang detalye nito na base sa salaysay nila ay nakasaad sa bandang unahan ng artikulong ito) Gayunman, kapansin-pansin na pagkatapos siyang maturukan ng Dengvaxia ay may naganap na pagbabago sa kanyang kalusugan. Narito ang kaugnay na pahayag nina Aldrin at Rosalinda tungkol dito:
“Ang aming anak, bagama’t, nagkaroon ng problema sa kanyang kalusugan nang dahil sa mababa ang kanyang potassium ay hindi pa nagkaroon ng dengue infection. Siya ay malambing, mapagmahal at masiglang bata sa kabila ng mga nararamdaman niya sa katawan”.
“Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan. Lalong lumala ang kanyang mga nararamdaman sa katawan nang dahil sa low potassium na kanyang namana mula sa kanyang ama. Sa napakaikling panahon ay kaagad nawala sa amin ang aming anak”.
Tulad ng mga pamilya ng mga biktima ng Dengvaxia, walang informed consent na naganap sa pagpapabakuna nina Aldrin at Rosalinda kay Rose Al. Anila:
“Sa kagustuhan naming mabigyan ng proteksiyon ang aming anak laban sa dengue ay hinayaan namin siyang mabakunahan ng bakuna na sa halip na naging proteksiyon sana niya ay naging sanhi pa ito ng kanyang paghihirap habang siya ay nakaratay at naging sanhi pa ng kanyang agarang kamatayan”.
“Kung nasabihan sana kami sa magiging resulta ng pagbabakuna sa kanya na maaari niya itong ikamatay ay hindi namin hahayaang mabigyan ng nasabing bakuna ang aming anak. Hindi ipinaliwanag sa amin kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak at hindi rin doktor ang nagbakuna nito sa kanya. Ang tanging sinabi lamang nila ay maganda para sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue ang nasabing bakuna. Hindi namin akalain na palalalain ng nasabing bakuna ang kalagayan ng aming anak”. (Binigyang-diin)
Naniniwala ang mag-asawa na naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa kanilang anak. Dahil dito ay lumapit sila sa inyong lingkod at sa PAO upang masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanilang anak. Tulad ng nabanggit sa itaas, hiniling din nina Aldrin at Rosalinda ang serbisyo ng PAO Forensic Team.
Baon ni Rose Al ang pangalan ng kanyang mga magulang na sina Aldrin at Rosalinda Magbanua sa kabilang buhay at higit sa lahat ang kanilang pagmamahal. Nananatili naman sa puso ng mga magulang ni Rose Al ang alaala niya na pinatitingkad ng kanilang pangungulila, pagsintang walang wakas at pagpapatuloy ng buong giting nilang pagpupunyagi sa paghahanap ng katuparan ng ipinangako nilang katarungan.
Naputol ang aking paggunita sa yumaong si Rose Al nang sumagi sa isip ko ang mga tulad niyang naghihintay din ng aming pagkalinga. Aking nasambit: “Naku, may pang 128 at 129 na naman! Wala ng katapusan ito, mahabaging langit, kaawaan mo ang mga nasa ospital at nakaratay ngayon”!
(Itutuloy)





Comments