top of page

Pinay beauty na raw, role model pa… SARAH BILANG DARNA, APRUB SA MADLANG PIPOL!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 8, 2019
  • 4 min read

ALIW na aliw kami sa pagbabasa ng mga opinyon at komento ng mga netizens sa social media tungkol sa kani-kanilang choices para pumalit kay Liza Soberano bilang Darna.

Ang daming pangalan ng aktres na lumulutang at ipinu-push nila para gumanap na bagong Darna.

Feeling nga namin, parang mas big deal pa sa mga netizens at mas gusto nilang pag-usapan kung sino ang gaganap na bagong Darna kesa kung sino ang gusto nilang maging mga senador sa darating na halalan sa Mayo.

‘Kalerkey, devah?!

Eto ang mga nakakaaliw pero nakakalokang hirit ng mga netizens tungkol sa mga aktres na mina­ma­nok nila, but at the same time, may mga pintas din sila kapag feeling nila ay hindi deserving na gumanap sa iconic Pinay superheroine role.

Siyempre, nangunguna pa rin sa listahan si Angel Locsin na bet nilang mag-Darna. Kahit medyo lumusog na raw ang aktres na makikita sa kanyang mga eksena sa The General’s Daughter, kakayanin pa rin naman daw sigurong magpapayat ni Angel.

‘Yun nga lang, delikado ang spinal column ni Angel at ‘yun nga ang iniinda niya kaya siya umatras mag-Darna.

Natural, ‘pag nag-Darna siya, kailangan niyang i-harness para sa mga flying at fight scenes niya.

Lumutang din ang name ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na very vocal na­man na gustong mag-Darna. Kung body built lang, kasek­sihan at height, pasok na pasok daw sana si Pia. Ang proble­ma, sabi ng ilang netizens, mukhang transgender si Pia kaya mas bagay ito sa remake ng ZsaZsa Zaturnnah movie, plus hindi rin daw marunong umarte ang Miss Universe.

May nag-suggest din kay Miss Universe 2018 Catriona Gray. Again, sa ganda at kasek­sihan nito, okay sana siya, plus martial arts expert din pala ito kaya kakayanin sana ang mga fight scenes.

Pero ang siste naman daw, wala ring acting background si Cat, bukod sa inglesera raw ito kaya hirit ng mga netizens, ‘di siya bagay maging Pinay superhero dahil slang na Darna ang kalalabasan niya.

Si Maja Salvador naman daw, dahil magaling sumayaw, Pinay at morena beauty, at sexy din naman ay may ‘K’ din sana, bukod sa magaling din itong umarte. Ang kulang naman daw kay Maja ay height kaya ‘Pandak na Darna’ ang tawag sa kanya sa social media.

May problema rin daw si Maja sa diction kaya baka sumablay lang ito sa mga dialogues niya.

Bagama’t umayaw na si Kathryn Bernardo, ipinu-push sana siya ng mga fans niya dahil morena beauty ang labs ni Daniel Padilla. Kaya lang, hirit ng ilang bashers ng aktres, paano siya magtu-two-piece, eh, itinatago nga raw ni Kathryn ang pagiging ‘sakang’ niya.

‘Kalerkey, ha?!

May nagsabing bagay na bagay kay Nadine Lustre ang Darna role dahil bukod sa sexy, fit, morena at Pinay beauty, magaling din namang itong umarte. Ang problema nga lang daw kay Nadine, flop ang mga movies nito ‘pag hindi si James Reid ang partner.

Isa pa, hindi na raw wholesome ang image ni Nadine para mag-Darna dahil sa pag-aming nagli-live-in na sila ng BF na si James Reid.

May ilan pa ngang nag-joke na hindi ‘bato’ ang gustong lunukin ni Nadine kaya paano raw ito magi­ging Darna?

Again, ‘kalerkey talaga!

Bet naman ng ilan si Yassi Pressman na mala-Gal Gadot daw ang dating, pero may ilang kumontra na bukod sa maliit din ito, tisay ang aktres at hindi Pinay beauty, plus nakukulangan din sila sa acting ng leading lady ni Coco Martin sa Ang Probinsyano.

May nagsabi namang okay din si Cristine Reyes since nag-action movie na ito at kering-kering mag-two-piece. Pero may kumontra pa rin at nagsabing tuyot na ang beauty ni Cristine at pang-nanay ni Darna na lang daw ang younger sister ni Ara Mina.

Lumutang din ang pangalan ni Kim Chiu na wholesome sana ang image pero sabi ng ilan, “Darna na kinulang sa sustansiya” ang datingan ng GF ni Xian Lim.

Si Barbie Imperial, tisay beauty din daw at hindi pa masyadong sikat para mag-Darna.

Hirit naman ng ilang netizens, parang awa na raw, ‘wag na ‘wag si Jessy Mendiola dahil baka langawin lang ang Darna dahil sa nega image nito.

At akalain n’yo ba, pati si Maymay Entrata ay ipinu-push ding mag-Darna? Pero sagot naman ng ilang netizens, “Kenkoy na Darna” raw ba ang gus­tong mapanood sa pelikula?

Ang nabasa naming mara­ming nag-a-agree na bagay talagang mag-Darna ay ang Pop Princess na si Sarah Ge­ronimo.

Una, ‘yung kasimplehan daw ni Sarah ay bagay bilang Narda, but at the same time, kaya rin daw nitong maging fierce o palaban ‘pag naging Darna na. Wholesome na wholesome rin ang image ni Sarah bukod sa guaranteed nang maraming fans kaya makakasigurado na raw ang Star Cinema na hindi lala­ngawin ang Darna movie.

Sana nga lang daw, paya­gan ni Mommy Divine si Sarah na mag-two-piece. Hindi naman na raw bata si Sarah, so dapat ay mag-try na ito ng mas mature at daring role.

Well, kami man ay agree na si Sarah Geronimo ang best pumalit kay Liza bilang Darna. At sana nga ay tanggapin ni Sarah ang role para bukod sa Pop Princess title niya ay tumatak sa kanya ang pagiging Darna. At least, hindi pa man siya nananalo ng Best Actress award sa kahit anong award-giving body, mas mag-aangat pa sa kanyang level bilang artista ang pagganap bilang Darna.

Hindi naman kailangang super sexy si Darna dahil ang pagiging superhero naman niya ang ibebenta sa movie at hindi ang katawan niya, devah?!

So, ‘yun na! Abangan na lang natin kung sino nga ang magiging next Darna!

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page