PHL VOLCANOES, PASOK SA 8 BANSA SA WORLD RUGBY 7’S
- Eddie M. Paez Jr.
- Apr 8, 2019
- 2 min read

Photo: runrio
MATAGUMPAY na naramdaman ang puwersa ng Philippine Volcanoes sa world stage ng rugby matapos itong mapabilang sa unang walong bansa sa unang pagkakataon ng prestihiyosong HSBC World Rugby Sevens Series Qualifiers 2019 sa National Stadium ng Hongkong.
Dinaig ng Volcanoes ang mas mataas na rated na Zimbabwe, 24 -12, sa isang gitgitang sagupaan na hindi mababanaag kung pagbabasehan ang final score sa huling laro ng mga koponang kasama sa Pool E ng preliminaries upang makapasok ito sa quarterfinals. Mula sa 0-5 na pagkadehado, umatake sina Justin Villazor Coveney at Ryan Reyes Howe para dalhin sa driver’s seat ang bansa, 10-5.
Hindi nagpabaya ang Sables ng Zimbabwe at muling inagaw ang kalamangan nang magsimula ang 2nd half, 10-12, pero muling rumatsada ang mga Volcanoes sa pamamagitan nina Donald Canon Coleman at si Howe uli ang nagsemento sa tagumpay ng world no. 53 na Volcanoes kontra sa world no. 39 na Zimbabwe.
Nauna rito, tumiklop ang mga Volcanoes nang makaharap nila ang Hong Kong, may bansag na Dragons at no. 25 sa world rankings (17-33) at world no. 13 Tonga, Ikale Tahi (17-36) kaya nauwi sa do-or-die match ang duwelo ng Pilipinas at Zimbabwe.
Pagdating ng bakbakan sa quarterfinals, hindi basta nawala sa eksena ang Pilipinas at nakasabay sa Hong Kong pagkatapos ng halftime sa iskor na 7-7. Pero, kalaunan, nangibabaw pa rin ang Dragons laban sa Volcanoes, 7-1, kaya umusad na sa final four ang una.
Noon pang 2013 huling nag-qualify ang mga Volcanoes sa prestihiyosong paligsahan. Hindi ito nakalagpas sa preliminary stage. At noong 2018 nga, nakakuha ang Pilipinas ng upuan sa torneo matapos na magtagumpay itong pumangatlo sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng matagal na panahon sa tulong ng pagpapadapa sa Tuskers Sri Lanka, 19 - 7, sa huling laro ng Volcanoes sa huling yugto ng Asian Sevens Rugby Series sa Racecourse Stadium ng Colombo, Sri Lanka.
Ang torneo ay isa sa mga pangunahing aktibidades ng Volcanoes ngayong taong ito. Siyempre pa, nariyan din ang Southeast Asian Games na gaganapin dito sa Pilipinas ngayong 2019 at kung saan pinupuntirya ng mga Volcanoes ang gintong medalya. Bago matapos ang taon ay mayroon ding Olympic qualifiers.





Comments