top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

NAKA-3rd PLACE SI GOLFER SASO SA AUGUSTA WOMEN’S GEORGIA

Eddie M. Paez Jr.
Apr 8, 2019
2 min read

HUMATAW sa huling round ang premyadong teener golfer ng Pilipinas na si Yuka Saso upang matagumpay na mahablot ang isang upuan sa podium ng 2019 Augusta Women’s Amateur Championship sa Georgia.

Kumartada ng 3 under par 69 si Saso, 17 taong-gulang at may-ari ng dalawang gintong medalya mula sa 2018 Asian Games, sa huling 18 holes ng torneo upang makatalon mula sa pang-11 puwesto tungo sa pangatlong baytang sa pagbaba ng telon ng malupit na paligsahan ng mga amateur lady golfers.

Mula sa one over par na iskor (145) bago nag-umpisa ang huling yugto, rumapido ng anim na birdies kontra tatlong bogeys ang Fil-Japanese parbuster. Kasama rito ang back-to-back birdies sa hole no. 3 at 4, at ang harurot niya sa homestretch (hole no. 16 at 18). Ang iba pa niyang birdies ay nasaksihan sa hole no. 11 at 14 habang ang mga bo­geys niya ay umalingasaw sa hole no. 7, 13 at 15.

Nauna rito, swak sa final cut ang Fil-Japanese na dalagita sa tulong ng iskor nya na 72 at 73 sa una at pangalawang rounds ng kompetisyong nilahukan ng 72 sa mga malulupit na amateur golfers mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig kagaya ng China, Japan, Thailand, South Africa, Canada, Sweden, Germany, Austria, Australia, Spain, Italy, Ireland, Belgium, France, New Zealand, England, South Korea, Taiwan, Columbia, Mexico, Slovenia at Russia sa magandang posisyon pa rin niya para sa isang podium finish ng 30-kataong finals.

Ang local bet na si Jennifer Kupcho, 21-anyos, ang hinirang na reyna ng tunggalian sa kartadang 10-under par. Isa pang 21-anyos na manlalaro sa katauhan ng pambato ng Mexico na si Maria Fassi ang pumangalawa sa iskor na 6-under par. Kasosyo ni Saso sa pangatlong puwesto si 18 anyos na si Yuka Yasuda ng Japan.

Ang podium finish sa Augusta ay nagpapatunay rin na tama ang desisyon ng Pinay na huwag tanggapin ang cash incentive na nakalaan sa kanya bilang gold medalist sa Asiad. Kung tinanggap niya ito, wala na siyang karapatang sumali sa de-kalibreng tournament na ito para sa mga amateur golfers. Humaba na rin ang listahan niya ng podium performances. Bukod sa Asiad golds, pumangalawa rin siya sa Annika Invitational Australasia, sa Rolex Tournament of Champions, 2018 Women’s Amateur Asia Pacific Championships at sa Youth Olympic Games (Argentina).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page