MAGPAPATIBAY SA 5TH WIN ANG CEU; TOKYO DIME, CHAMP SA 3X3 ASPAC

MAKAMIT ang ikalimang dikit na panalo na magpapatibay ng kanilang kapit sa solong liderato ng Foundation Group ang tatangkain ng Centro Escolar University sa pagsalang nila sa unang laro ngayong hapon ng 2019 PBA D-League. Makakatunggali ng Scorpions ang CD14 Designs-Trinity University of Asia sa unang salpukan ng 2 p.m. na susundan ng bakbakan ng McDavid at FamilyMart-Enderun College ng 4 p.m.
Hawak ang solong pamumuno sa grupo ng Foundation, ang Scorpions ay hindi pa natatalo matapos ang apat na laban.
Huli nilang iginupo ang Valencia City-San Sebastian College Golden Harvest, tatlong linggo na ang nakararaan.
Sa naturang panalo, nagposte ng bagong league record sa rebounding ang Senegalese center ng CEU na si Malick Diouf matapos nitong magtala ng 30 rebounds bukod pa sa iniskor nitong 21 puntos.
Samantala sa huling laro, mag-uunahan na makapasok sa winners circle ang dalawang winless squads ng Aspirants Group na McDavid (0-4) at FamilyMart-Enderun College (0-4).
Samantala, bumagsak muli ang Bataan sa kamay ng mga Hapon kahapon. Iniuwi ng Tokyo Dime ng Japan ang kampeonato sa pinakaunang Chooks To Go 3X3 Asia Pacific Super Quest nang talunin nila ang 1Bataan Risers, 22-20, sa isang mahigpitang labanan.
Ipinasok ni Keita Suzuki ang pinakamahalagang dos na may 33 segundong nalalabi sa laro upang kumpletuhin ang kanilang pagbawi mula sa 5 puntos na pagkalugmok, 13-18. Nagsanib-puwersa si Suzuki at Petar Perunovic upang itabla ang laro, 20-20, matapos tawagan ang Risers ng technical foul para sa pag-antala ng laro.
Bumalik ang bola sa 1Bataan ngunit namintis ni Leonard Santillan ang malayong tira galing sa kanto at napunta ito sa naghihintay na kamay ni Suzuki para patahimikin ang mga nanunuod. Ginawaran ng $20,000 o P2,800,000 ang Tokyo Dime, mga medalya at ang mahalagang tiket para lumahok sa parating na FIBA 3X3 World Tour Masters sa Doha, Qatar sa susunod na Linggo.





Comments