Alamin mula kay Maestro... MGA PABORABLENG BUWAN SA MGA KAMBING O TUPA NGAYONG TAON
- BULGAR

- Apr 8, 2019
- 2 min read


SINASABING ngayong 2019, maraming sorpresa at kakaibang suwerte ang matatanggap ng Kambing o Tupa sa iba’t ibang aspeto o larangan ng kanyang buhay.
Kabilang sa magagandang kapalarang darating ay ang mga sorpresang may kaugnayan sa love life at career. Kung wala ka pang girlfriend o boyfriend, maaaring ngayong 2019 ay bigla kang magkakaroon.
Kung matagal ka ng nag-a-apply sa abroad o may hinihintay kang mahalagang tawag o job opportunity, ngayong taon na ‘yun matutupad at magkakatotoo.
Bukod sa maraming magagandang oportunidad ang darating, tataas at kusa ring aangat ang kinikita ng Kambing o Tupa ngayong taon.
Sinasabi ring kung sa magsasaka, magandang magtanim o mag-invest ang Kambing o Tupa ngayong taon dahil tiyak na siya ay aani ng marami.
Ngayong Taon ng mga Baboy, sinasabi ring maraming mga pagtitipon at iba’t ibang okasyon ang madadaluhan ng Kambing o Tupa na magbibigay sa kanya ng kakaibang sigla, panibagong lakas at magagandang oportunidad ng pagkakaperahan at pag-angat ng kabuhayan.
Dahil magkakaroon at tatanggap ng iba’t ibang suwerte at magagandang kapalaran ang Kambing o Tupa, siguradong kaiinggitan siya ng mga dati ng naiinggit sa kanya. Kaya ngayong 2019, dapat ding mag-ingat ang Kambing o Tupa sa mga magkukunwaring kaibigan, pero kaaway pala o may masamang binabalak.
Ibig sabihin, maging matalino ka dapat ngayong 2019 sa pagpili ng kakaibiganin at pagkakatiwalaan upang hindi ka maloko at mapagsamantalahan.
Kasabay nang pagyabong ng iyong career at pagdating ng suwerte, maraming mga bagong kakilala ang maaakit at didikit sa iyong buhay ngayong 2019.
Kaya kung wala ka pang pag-ibig o karelasyon tulad ng nasabi na, maaaring magkaroon ka na ngayon. Subalit, kung dati ka ng may karelasyon, mag-ingat ka dahil maaaring may magdagdag pa at may bago pang karelasyong darating sa iyo nang palihim.
Ang ikinaganda pa ngayong 2019, ‘yung mga pangarap, ambisyon at plano mo sa buhay na dating hindi natupad, ngayong taon, ito ay magkakaroon nang paisa-isang katuparan hanggang sa magkatotoo at mangyayari na lahat ang mga magagandang bagay na pinangarap mo noon.
Kaya lang dahil maraming suwerte at magagandang kapalaran ang darating sa Kambing o Tupa, may babala na maging pabaya siya at magpadaskul-daskol sa kanyang diskarte.
Kaya dapat, kung ikaw ay Kambing o Tupa, maging maingat ka pa rin at marahan sa anumang pagpapasya at aksiyon na iyong isasagawa upang hindi ka magkamali ng desisyon na maaaring biglang ikalagay mo sa kapahamakan.
Sa pag-ibig, kung hindi ka magiging mahinhin, may babala rin ng bigla at hindi pinaghandaang pag-aasawa ngayong taon.
Sa pagpapamilya, sinasabi ring maganda at paborableng mabuntis at magkaanak ang Kambing o Tupa ngayong Taon ng mga Baboy.
Habang, higit na magiging mapalad ang Kambing o Tupa mula sa ika-3 ng Hunyo hanggang sa ika-31 ng Hulyo at mula sa ika-5 ng Oktubre hanggang sa ika-25 ng Nobyembre ngayong taon.
(Itutuloy)




Comments