Buntis at nanganganak

Salaminin natin ang panaginip ni Donna ng Donna_ Casiano@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin nang nanaginip ako na buntis daw ako, minsan, sa panaginip ko ay nanganganak daw ako, pero ayaw lumabas ng bata sa sinapupunan ko?
Sana, masagot ninyo ito.
Salamat!
Naghihintay,
Donna
Sa iyo Donna,
Kapag napanaginipan ng babae na buntis siya, ang nanaginip ay naghahangad na siya ay mabuntis, ito ay kung may posibilidad pa na siya ay mabuntis.
Ang ganitong panaginip sa ganu’ng kondisyon ay magkakatotoo sa hindi kalayuang panahon.
Kapag naman wala ng tsansa na mabuntis ang nanaginip ay makararanas siya ng hindi gaanong kagandahang love life kung saan puwedeng ang asawa niya ay nagkukulang na sa paglalambing o nawala na ang sweetness.
Ito rin ay palatandaan na ang asawa ay nakalilimot sa kanyang obligasyon para sa pamilya.
Nagbababala ang ganitong panaginip na ang nanaginip ay makararanas ng tinatawag na “tamang hinala.”
Sa iba, ang tamang hinala ay “tama”, kumbaga, ayon sa kanila ang kanilang kutob ay tama.
Pero, siyempre, ang tunay na kahulugan ng “tamang hinala” ay walang kasiguraduhan ang kanyang iniisip.
Kaya kapag napansin mong inaatake ka na ng “tamang hinala”, mas magandang bago ka maniwala sa kutob ay maghanap ka muna ng kongkretong ebidensiya.
Hindi maganda sa buhay ng mag-asawa na ang isa ay mapaghinala dahil ang paghihinala ay nakasisira ng samahan.
Kaya nga ang sabi, ‘di ba, nakamamatay ang akala? Ang hinala naman ay nakamamatay din at ito ang hindi puwedeng mangyari sa iyo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments