SEAG: DAGDAG NA EVENT SA WRESTLING; MGA ATLETA, LABAN, HUWAG AATRAS!


IGINIIT ni Wrestling Federation of the Philippines (WAP) president Alvin Aguilar na malaki ang maiaambag ng wrestling sa hangarin ng Team Philippines na muling makamit ang overall championship sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre. Ngunit, kailangan niya ang ayuda ng Philippine Olympic Committee (POC) para masiguro na hindi agrabyado ang Pinoy sa biennial meet.
“I already talked with my fellow wrestling officials in the region. Actually, pinapirma ko sila sa petition na mabago ang mga event na naunang na-approved sa SEA Games Federation meeting, gayundin maidagdag ang mga event na talagang malaki ang tsansa nating manalo,” pahayag ni Aguilar sa pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club sa Intramuros. Ayon kay Aguilar, head din ng jiu-jitsu disicipline at founder ng matagumpay na Universal Reality Combat Championship (URCC) na maglulunsad ng international event sa Abril 27 sa The Cove ng Okada, agrabyado ang Pinoy wrestlers sa mga event na naunang naaprubahan ng SEAGF.
“Target natin makuha uli ang overall title, so kami sa wrestling gusto naming makapag-ambag. Pero paano makakaambag ang wrestling kung ang mga event na lalaruin ay mahina tayo,” sambit ni Aguilar sa TOPS na itinataguyod ng Philippine Sports Commission sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Kinatigan ni Representative Manny Lopez ang pahayag ni Aguilar kasabay ang panawagan sa mga atleta na galingan ang ensayo para maihanda ang mga sarili sa laban, “This is the fourth time we host the SEA Games. This is the biggest sports gathering in the region, the last time we play host nakuha ng bansa ang overall championship. This year, kailangan nating muling lumaban at maging overall champion.”
Ayon sa dating boxing chief at chairman ng Philippine Olympic Committee, “We call it all boys club. Kaya sa SEAGF meeting pa lang, napag-uusapan na actually kung anong mga sports ang lalaruin at saan ang venue. As host, dapat mas malakas ang boses natin,” ani Lopez.
Pangunahing dahilan naman ng kabiguan ng mga atleta sa pagsabak sa malalaking torneo ay dahil sa agad sumusuko kapag natalo na sa una. “Imbes kasi na mas lalong magpalakas at patatagin ang sarili, maging matapang sana at dapat at mas lalong magalit para muling makabawi at makamit ang inaasam na gold medal,” pagpuna ni sports advocate Tondo representative Ali Atienza nang magsalita rin sa TOPS hinggil sa ilang combat sports artists na umaatras at umaayaw sa larangan.
Ang PHL taekwondo raw ay malayong ihalintulad sa Korea kung saan halos lahat ng jins ay nagtatagal pa bilang atleta. “Ang problema kasi rito sa atin ay dalawang oras lang nagte-training tapos apat na oras nagga-gadget, e paano makakapagtraining ng maayos, walang disiplina e. Doon sa Korea, bata pa lang obligado na, dinidisiplina na. Sumusunod ang mga bata, naaalagaan sa tamang ensayo sa napili nilang sports, kaya kita ninyo kahit halos 10 years nang lumalaro ay matitibay pa rin, nananalo pa rin,” dagdag pa niya.
Nabanggit niyang mas makabubuting i-develop na parang Sentosa sa Singapore ang ilang landfill sa bansa. Maaring pagtayuan ng sports facilities ang mga lugar na dating tambakan ng basura para hindi nasasayang kung sisimulan ang incineration ng mga basurang natitipon sa buong Metro Manila. (MC)





Comments