Hanggang kailan natin ito ipaglalaban? MGA BIKTIMA NG DENGVAXIA, PATULOY NA DUMARAMI, PERO KATARUNGA
- BULGAR

- Apr 5, 2019
- 7 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

KAYSAKIT makita ang mga pisikal na manipestasiyon sa katawan ng mga biktima ng Dengvaxia, ngunit, “physical, mental, pychological torture” at dobleng sakit ang nararamdaman ng mga magulang kapag naaalala nila ang tila estranghero na nakalukob sa katawan ng kanilang mga anak. Ang isip ng tao ang pinakahuling tanggulan ng identidad nito bilang nilalang na may integridad at kalayaan sa pagpapasya kung ano ang nararapat na ikilos at isagawa. Kapag ito ay lubhang naapektuhan o nawala nang dahil sa kapabayaan ng mga kinauukulan, malinaw na matinding pinsala ang ginawa ng huli sa mga biktimang walang muwang sa mga pangil ng kapahamakan at kamatayan na naghihintay sa kanila upang sumagpang. Dalawa sa mga nabanggit na biktima ay ang yumaong sina Genalyn Ababao at Jovanni Carl Caidlang.
Si Genalyn ang pang-isandaan at dalawampu’t lima (125) at si Jovanni Carl naman ang pang-isandaan at dalawampu’t anim (126) sa mga nabakunahan ng Dengvaxia at namatay na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team bilang tugon ng nasabing grupo sa kahilingan ng mga magulang. Ang huli ay lumapit din sa inyong lingkod at sa PAO upang mabigyan sila ng libreng legal assistance.
Ipinagkatiwala nila sa amin ang mga kaso ng kanilang mga anak na hanggang ngayon ay palaisipan sa kanila ang naging kamatayan, ngunit, napagtanto nila na ang mga sintomas na nararamdaman ng mga ito at dinanas na hirap ay tulad sa mga biktimang nabakunahan ng Dengvaxia na namatay.
Si Genalyn Ababao, labing-apat (14) na taong gulang ay namatay noong Marso 16, 2019 sa Malolos Provincial Hospital, Malolos, Bulacan. Siya ay naturukan ng Dengvaxia nang tatlong (3) beses. Una, noong Hunyo 30, 2016, pangalawa, noong Disyembre 13, 2016 at pangatlo, noong Hunyo 28, 2017 sa kanilang paaralan.
Noong Hunyo 30, 2016, ayon kay Gng. Jennifer Ababao, ina ni Genalyn, matapos ng unang turok kay Genalyn ng Dengvaxia ay sumakit ang ulo nito. Nawala rin kaagad ito, ngunit, muling bumalik matapos ang ikatlong turok sa kanya at du’n nagbago ang kanyang pag-uugali. Noong Hulyo 5, 2017 ay napansin ni Gng. Ababao na si Genalyn ay naging bugnutin, palamura at mainitin ang ulo. Ang mga ito ay ikinagulat niya sapagkat aniya, si Genalyn ay magalang at mabait na bata bago siya maturukan ng Dengvaxia. Dahil sa pagpapatuloy ng pagbabago ng ugali ni Genalyn, pinansin ito ng kanyang mga magulang, ngunit, ayon sa kanyang ina, “tanging sulyap lamang sa amin ng kanyang ama ang itinugon niya.” Ang mga sumusunod na pagtatapat sa ibaba hinggil sa papalubhang karamdaman ni Genalyn na naghatid sa kanyang kamatayan ay bahagi ng salaysay ni Gng. Ababao na ibinigay nito sa PAO:
“Noong ika-12 ng Marso 2019 ay nagkalagnat ang aking anak na sinamahan ng pananakit ng kanyang tiyan at ulo. Nagreklamo rin siya noon ng pangangalay ng kanyang binti”.
“Noong ika-14 ng Marso 2019, alas siyete (7:00) ng umaga ay nagkumbulsiyon ang aking anak. Noon ay may lagnat ang aking anak na sinamahan ng pananakit ng kanyang ulo at tiyan. Siya ay nagsusuka ng likido na maitim na nagkukulay berde. Siya ay dumumi rin ng basa noon. Nagreklamo rin siya ng pangangalay ng kanyang parehong binti. Pagsapit ng alas-diyes (10:00) ng gabi ay nanigas ang kaliwang braso ng aking anak. Bumabalik-balik ito bawat paglipas ng lima (5) hanggang sampung (10) minuto. Siya ay kinumbulsiyon sa pangalawang pagkakataon at pagkatapos ay hindi ko na siya makausap. Paglipas ng tatlumpung (30) minuto o dakong alas-diyes y media (10:30)ng gabi ay sinusuntok niya ang kanyang dibdib dahil hirap siyang huminga. Sinasabunutan din niya ang kanyang buhok noon sa hindi ko malamang kadahilanan. Dahil sa mga nararamdaman niya noon ay dinala ko siya sa Baliuag District Hospital, Baliuag, Bulacan at isinailalim siya sa CBC test. Base sa resulta ay normal naman diumano ang naging resulta nito. Pagkatapos nito ay ini-refer kami sa Malolos Provincial Hospital para maisagawa ang kumpletong pagsusuri sa aking anak, kaya naman dakong alas-onse (11:00) ng gabi ay inilipat ko siya sa nasabing ospital. Siya ay isinailalim ulit sa CBC test, urinalysis at x-ray.”
“Pagsapit ng umaga ng ika-15 ng Marso 2019 ay lumala ang kondisyon ng aking anak. Naging pabalik-balik ang kanyang kombulsiyon. Hindi ko pa rin siya makausap noon. Sa tuwing kinakausap ko siya ay lumuluha lamang siya. Dahil palala nang palala ang kondisyon ng aking anak ay inilipat siya sa ICU ng ospital dakong alas-dos (2:00) ng hapon. Siya ay in-intubate din. Noon ay tumutulo na lamang ang luha ng aking anak at may lumabas na likido sa kanyang ilong at bibig. Sumapit ang gabi ay lumala ang kalagayan ng aking anak.
“Alas-kuwatro (4:00) ng madaling araw, ika-16 ng Marso 2019 ay hirap na hirap huminga ang aking anak. Iniaangat niya ang kanyang dibdib sa tuwing humihinga siya. Nag-agaw-buhay ang aking anak pagsapit ng alas singko (5:00) ng umaga. Siya ay sinubukang i-revive ng doktor, subalit, pagdating ng pasado alas-sais (6:00) ng umaga ay tuluyan na kaming nilisan ng aking anak.”
Nang kasalukuyang nagkakaroon ng pagbabago sa ugali ni Genalyn, may napansin din si Gng. Ababao ang pagbabago sa kanyang mga ginagawa. Madalas daw maligo noon si Genalyn kahit anong oras. Ang katwiran ng kanyang anak ay naiinitan ito, pero hindi sang-ayon si Gng. Ababao dahil ayon sa kanya ay hindi naman mainit ang panahon noon.
Ang kakaibang pakiramdam na ito ay naobserbahan din nina G. Conrado Caidlang, Jr. at Negressa Caidlang sa kanilang yumaong anak na si Jovanni Carl Caidlang. Anila: “Napansin namin na mula nang makaramdam siya ng mga sintomas ay madalas din siyang matulog nang nakahubad dahil ayon sa kanya ay naiinitan siya kahit hindi naman mainit ang panahon.”
Ang pumanaw na si Jovanni Carl Caidlang, labingtatlong (13) taong gulang, namatay noong Pebrero 15, 2019 sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC), B. Rodriguez St., Sambag 2, Cebu City, Cebu. Siya ay naturukan ng Dengvaxia ng isang (1) beses noong Agosto 10, 2017 sa gymnasium ng kanilang barangay. Ang nasabing pagbabakuna ay pinamunuan ng kawani ng health center sa kanilang lugar.
Ang malubhang karamdaman ni Jovanni Carl na humantong sa kanyang kamatayan ay nagsimula sa sakit ng ulo na naramdaman niya noong Nobyembre 2018. Ayon sa kanyang mga magulang, nawala naman ito nang kusa, ngunit, nalaman nila sa burol ng kanilang anak mula sa kaklase nito na may mga insidente ng pagkahilo si Jovanni Carl sa eskuwelahan nila. Minsan pa, anang kaklase, nagsuka pa ito dahil sa sobrang sakit ng ulo. Kaugnay nito, siya ay nahilo at nawalan din ng balanse noong Disyembre 28, 2018, ayon sa kuwento ng kapatid ni G. Conrado Caidling.
Pagsapit ng Enero (petsa 4 at 8) ngayong taon (2019), naramdaman ni Jovanni Carlang ang pananakit ng ulo, panghihina, pagkahilo, pananakit ng buto sa likod at kanyang mga kasukasuan sa kanyang kanang paa; nagsuka rin siya. Dahil sa kalagayan niyang ito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa Mactan Doctor’s Hospital (MDH), Lapu-Lapu, Cebu noong Enero 10, 2019. Narito ang bahagi ng pahayag ng mag-asawang Conrado at Negressa hinggil sa mga huling yugto ng buhay ng kanilang anak sa mga ospital na pinagdalhan sa kanya at ang dinanas niyang hirap na hindi na niya nakayanan:
“Ayon sa doktor ay maaaring may hyper-acidity ang aming anak kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito na kanyang iinumin sa loob ng dalawang (2) linggo. Bumuti naman ang kalagayan niya sa mga sumunod na dalawang linggo. Subalit, muli na namang bumalik ang pananakit ng kanyang ulo at panghihina pagkalipas ng mga ilang araw.”
“Noong ika-11 ng Pebrero 2019 ay dinala namin siyang muli sa MDH para patingnan sa doktor. Iminungkahi ng doktor na kailangang i-CT scan ang aming anak na siya namang nangyari noong ika-12 ng Pebrero 2019. Base sa resulta ng CT scan na aming nalaman noong ika-13 ng Pebrero 2019 na diumano ay may tubig ang utak ng aming anak. Kaya pagsapit ng alas-diyes (10:00) ng gabi ay dinala namin ulit siya sa MDH. Pagdating namin sa ospital ay nagsuka ng dugo ang aming anak. Makalipas lang ang ilang sandali ay muli na naman siyang nagsuka ng dugo, pero noon ay mas malapot na at nagkukulay itim na ito. Pagsapit ng hatinggabi ay in-admit na sa ospital ang aming anak.
“Noong umaga ng ika-14 ng Pebrero 2019 ay hindi na makontrol ng aming anak ang kanyang pagkilos. Siya ay nagrereklamo na nasisilaw siya kahit hindi naman maliwanag ang paligid. Nagreklamo rin siya nang labis na pananakit ng paa. Pagsapit ng gabi ay hindi na makatayo ang aming anak. Siya rin ay nagpupumiglas noon at gusto ng umuwi. Unti-unti na rin siyang hindi nakakikilala noon. Pagsapit ng alas-onse (11:00) ng gabi nang dumating ang neurologist, sinabihan kami na kailangang ipaopera ang aming anak, kaya nagpasya kaming ilipat siya sa VSMMC dahil mas mababa ang gastusin doon.
“Habang kami ay nasa ambulansiya papuntang VSMMC ay may mga lumabas na pantal sa dibdib at braso ng aming anak. Ilang sandali ay nawala rin ito, pero pagdating namin sa emergency room (ER) ng VSMMC ay bumalik muli ang mga pantal ng aming anak at nangitim ang kanyang mga labi. Pagsapit ng alas-tres (3:00) ng madaling-araw ng ika-15 ng Pebrero 2019 habang nasa ER ang aming anak ay sumunod na naming nakitang inire-revive ng doktor ang aming anak. Ilang sandali lamang ay sinabihan na kami ng doktor na ang aming anak na si Jovanni Carl ay tuluyan nang pumanaw.”
Nang si Genalyn ay nabubuhay pa at hindi pa napipinsala ng nasabing bakuna, ayon sa kanyang ina, siya ay malusog at masiglang bata, gayundin, mahilig siyang mag-aral, gumuhit, sumayaw at kumanta. Pangarap din umano nitong maging guro at doktor dahil gusto niyang tumulong na maiahon sa hirap ang mga mahal niya sa buhay. Sa alaala naman ng mga magulang ni Jovanni Carl, ang kanilang anak ay dating malusog, malambing, mapagmahal at masiglang bata. Siya rin diumano ay mahilig sumayaw at wala siyang tanging kagustuhan kundi ang magbigay ng ligaya sa kanilang tahanan.
Ayon sa author ng The Kite Runner na si Khaled Hosseini, “there is only one sin, only one. And that is theft. Every other sin is a variation of theft. When you kill a man, you steal a life.” Sa kaso nina Genalyn at Jovanni Carl, nang sila ay inagawan ng buhay, sila ay binawian din ng pagkakataon na matupad ang kanilang mga pangarap na mapaunlad pa ang kanilang mga sarili at patuloy na makapaghatid ng saya at makapaglingkod sa kanilang mga mahal sa buhay. Panay ang pagpaparamdam nila, tila sa pamamagitan ng kilabot, ito ay kanilang ipinaaabot: “Pinigtas na nila ang aming buhay na murang-mura pa sa tangkay ng panahon. Sana ay huwag namang umitin ng mga mandarambong ang aming mga karapatan sa katotohanan at katarungan hinggil sa aming kamatayan.” Nakupo, may pang-127, 128 at 129 na mga batang pinatay ng bagsik ng Dengvaxia kung saan all are with common pattern of signs and symptoms after vaccination under clinical trial!
(Itutuloy)





Comments