KORONA NG U.S. SUPER BILLIARDS, HINABLOT NI “DODONG DIAMOND”

NAGPAKITA ng malupit na porma si Zoren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas matapos nitong iposte ang walang-mantsang kartada sa paghablot ng korona sa main event ng 2019 Super Billiards Expo (SBE) Diamond Open 10-Ball Pro Players’ Championships sa palaruan ng Pro Arena sa Oaks, Pennsylvania.
Itinumba ni Aranas si Raymund Faraon, 30-anyos at 2014 All-Japan Open king pin, sa isang all-Pinoy na duwelo para sa karapatang maging topnotcher ng winners’ bracket, 13-10, bago niya pinagsaraduhan ng pinto si Oscar Dominguez ng USA sa kanilang winner-take-all na championship showdown, 13-10.
Nauna rito, pinayuko ng Pinoy, may-ari ng pitong billiards diadem mula sa iba’t-ibang sagupaan noong 2018, sina Finland gem Mika “The Iceman” Immonen (13-5), Chris Robinson (13-11), Jeremy Sossei (10-2), Hunter Lombardo (10-5) at Matt Kathryn (10-1).
Ito na ang pang-apat na podium finish ni Aranas ng kasalukuyang taon. Nakapagposte na ang Pinoy ng isang bridesmaid showing sa Derby City Challenge (DCC) 9-Ball event (Pebrero sa Elizabeth, Indiana), pangatlo sa Maryland 9-Ball Bar Table Championships (Marso) at tersera uli sa Predator Grand Finale (Enero sa Astoria, New York).
Nakasampa sa pangatlong puwesto sa torneo ang tubong Camarines Sur na si Faraon. At hindi basta-basta ang mga bilyaristang pinayuko niya para makasampa sa podium. Kasama sa talaan ng mga tinuruan niya ng leksyon ay sina Roberto “Superman” Gomez ng Pilipinas (13-7) ang batikang German gem na si Ralf “The Kaiser” Soquet (13-5) at ang mga Amerikanong sina Oscar Dominguez (10-7), Corey Deuel (10-4) at Elvis Rodriguez (10-6).





Comments