TEAM LEADERSHIP SA SEAG NO PROBLEM KAY GM TORRE

BILANG pinaka-beterano sa maraming international tournaments at sumali ng 23 straight time sa Chess Olympiad mula 1970 matapos makuha and coveted Grandmaster title na ang una ay sa Asya, sinabi ni GM Eugene Torre na nakahanda siyang muling gampanan ang papel bilang team leader kung muling hihirangin siya sa 2019 Southeast Asian Games na gagawin sa bansa sa Nobyembre.
“Ok sa akin,” sabi ni Torre. “Ang decision ay nasa National Chess Federation at sila ang bahala kung sino ang gusto nila.” Kilala bilang “heart and soul” sa maraming chess tournaments at naging coach kasama si fellow GM Jayson Gonzales, sinabi ni Torre na malaking karangalan kung muli siyang hihirangin bilang team captain. “I feel proud and honor if given the chance to lead the team once again in the forthcoming SEA Games lalo na sa atin gagawin ang tournament,” wika ng 67-anyos na chess legend ng Iloilo.
Inamin ng Asia’s first GM na mabigat ang kampanya ng mga Pinoy at ang mahigpit na makalalaban ay ang Vietnam.
“Vietnam is our toughest rival. Malakas ang mga Vietnamese sa blitz. Malakas din ang ibang mga kalaban pero ang Vietnam ang mahirap na kalaban. Sa standard malaki ang pag-asa natin,” ani Torre.
Hindi nilaro ang chess sa dalawang SEA Games na idinaos sa Singapore at Malaysia kaya napilitan ang mga namumuno sa chess sa rehiyon na mag-organisa ng sariling chess tournaments. Muling pinatunayan ng mga Pinoy ang kanilang galing sa nakaraang ASEAN Plus Chess Championship sa Davao at sa Asian Senior Chess Championship sa Tagaytay City kung saan nanalo ang mga Pinoy kasama sina Torre at Chito Garma.





Comments