KINGS-PASIG, KAMPEON, SASABAK SA FIBA WORLD TOUR 3X3 MASTERS

UMUWING mas mayaman ng P1-M ang Grindhouse Kings-Pasig sa
pagwawakas ng Chooks-To- Go Pilipinas 3X3 President’s Cup sa SM City Fairview kahapon. Tinalo muli ng Grindhouse ang pamilyar na karibal, na 1Bataan Risers, 19-7, salamat sa mahusay na ipinakita ni Joshua Munzon
na itinanghal na Most Outstanding Player ng torneo at may dagdag premyo na P20,000.
Hindi nangyari ang inaasahang mahigpit na laro para sa kampeonato. Mula sa tablang 5-5, umarangkada na ng todo ang Grindhouse sa likod nina Munzon, Troy Rike, Taylor Statham at pati na rin siLeoDe Veranabagong pirma bilang kapalit ng injured na si Dylan Ababou.
Kahit bigo, hindi umuwing luhaan ang Risers dahil nagulat sila nang ibalita ni Ronald Mascariñas ng Bounty Fresh Agro-Ventures na bibigyan sila ng P20,000 dahil sa husay na ipinakita nila hindi lang sa kampeonato kundi pati na rin para sa buong torneo. Ang iba pang nagwagi sa araw na iyon ay sina Kobe Paras sa Slam Dunk at Chris de Chavez sa Three-Point Shootout.
Bilang kampeon, ipadadala ang Grindhouse sa parating na FIBA World Tour 3X3 Masters sa Doha, Qatar ngayong Abril. Bago iyan ay maglalaro rin sila at ang Risers sa pinakaunang FIBA Asia-Pacific Super Quest na gagawin sa SM Megamall mula Abril 6- 7 kontra sa 10 koponan na galing sa ibayong dagat.
Naging maganda ang simula ng araw para sa Grindhouse matapos ilampaso ang Zamboanga Valientes sa quarterfinals, 21-9. Sinundan ng matindi at pisikal na bakbakan kontra sa Go For Gold-San Juan Knights, 19-18, kung saan ipinasok ni Statham ang puntos na nagpalamang sa kanila at mahigpit na depensa sa nalalabing segundo ang sumalba sa kampanya nila. Muntik nang mahulog ang 1Bataan sa quarterfinals sa inspiradong Zark’s Burger-Quezon City, 22-20. Gamit ang natutunang leksiyon, naging madali ang tagumpay nila sa Pasay Voyagers sa semifinals, 18-7.





Comments