Madir ng TV host, join din… VICE AT ION, MAGSASAMA SA CANADA SA MAY
- BULGAR

- Mar 31, 2019
- 2 min read

INIHARAP na ni Vice Ganda ang sumikat na “Kuya Escort” sa It’s Showtime’s Miss Q and A na si Ion Perez sa kanyang ina at dalawang kapatid sa live telecast ng ABS-CBN noontime show noong Biyernes nang tanghali, March 29.
Kasunod ito ng usap-usapan sa social media na umamin na diumano sina Vice at Ion na sila ay magkarelasyon sa taping ng Gandang Gabi Vice (GGV) noong March 12.
Dalawang linggo na ang lumipas pero hindi pa rin ineere sa GGV ang sinasabing pag-amin ng rumored couple.
Pero ngayong Biyernes, panay ang tukso ng It’s Showtime co-hosts kina Vice at Ion dahil nandu’n sa ABS-CBN studio ang pamilya ng comedian-TV host.
“Ay! Meet the parents ba ngayon?” panunukso ni Mariel Padilla sa gitna ng KapareWHO segment ng show.
Hirit naman ni Karylle, “Uy! Umayos ka, Ion!”
Maya-maya pa, si Vice na mismo ang nagsabi kay Ion, “Ay, nandiyan ‘yung kapatid ko, dalawa, saka ‘yung nanay ko. May gusto ka bang sabihin sa kanila?”
Nag-pan ang camera sa audience area kung saan makikitang napapangiti ang dalawang kapatid na babae ni Vice, habang matamang nakikinig ang ina ng box office comedian.
Bungad ni Ion, “Ate, nanay…”
Biglang natigilan si Ion at sinabing nakaramdam siya ng “hiya”.
Natawa naman si Vice at hindi sinasadyang nahampas sa mukha si Ion.
“Ay, sorry! Sorry! Sorry! Sorry!” sabi ni Vice, sabay masuyong dinampian ng halik sa kaliwang pisngi si Ion.
Nagpatuloy si Ion sa pagpapaalam sa pamilya ni Vice, “Humihingi po ako ng permiso. Puwede ba ako sa puso niya?”
Tawa nang tawa ang ina at dalawang kapatid ni Vice.
Pabirong sabi naman ni Vice kay Ion, “Sa laki mong ‘yan, hindi pumutok ‘yung puso ko?”
Hindi mawari kung biruan o totohanan ang kulitan nina Vice at Ion, lalo pa’t umeeksena rin ang It’s Showtime dancer na si Jackque, na kunwa’y nais ding makuha ang atensiyon ni Vice.
Pero ayon kay Ion, “seryoso” siyang nasa puso niya si Vice.
Humirit naman si Vhong Navarro na mas mabuting tanungin ang ina ni Vice kung ano ang sagot nito sa tanong ni Ion.
Pero bigla raw pinandilatan ni Vice si Vhong upang huwag nitong pagsalitain ang ina.
“Nakita ko, eh. Akala ko, malalaglag ‘yung mata, eh.”
Kaya imbes na tungkol kay Ion, tinanong na lang ang ina ni Vice kung kailan ang alis nito patungong Canada.
Ito ay dahil sasama raw ang ina ni Vice sa show ng comedian doon sa May.
Sabi lang ni Vice, “Nalaman ng nanay ko na kasama si Ion sa Canada, saka si Jackque, sumama! Sisiguraduhin daw niya na si Jackque ang kasama ko sa eroplano!”





Comments