Alamin mula kay Maestro... SADLAKANG KAPALARAN NG MGA KAMBING O TUPA NGAYONG 2019
- BULGAR
- Mar 31, 2019
- 3 min read


SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Kambing na minsan ay tinatawag ding Tupa ngayong 2019 ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Goat o Sheep kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003 at 2015.
Ang Year of the Goat o Sheep ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Moon at sa Western Astrology, ang Year of the Goat o Sheep ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Cancer.
Pinaniniwalaang may ilang mabibigat na pagsubok na kahaharapin ang mga Kambing o Tupa na isinilang sa panahon ng tag-ulan o taglamig kaysa sa mga Kambing o Tupa na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init. Subalit, anumang mga pagsubok ang dumating sa nasabing animal sign, basta patuloy lang silang naniniwala sa kanilang taglay na kakayahan, walang pagsubok o mga suliraning hindi nila makakayanang lutasin.
Sinasabing bukod sa taglay na kabaitan at may mahinang personalidad, sa 12 animal signs na naglakbay at nakarating sa palasyo ni Lord Buddha, ang Kambing o Tupa ang pinakamatulungin, mapagbigay, madaling maawa at may mababang kalooban.
Dagdag pa rito, tahimik, tapat at mabait ang Kambing o Tupa, kaya itinuturing silang napakadaling mapasunod at utusan na kadalasan ang kabaitang ito at pagiging tahimik at sunod nang sunod ay inaabuso ng mga taong mapagsamantala, lalo na ng kanilang mga nagiging kaibigan at nakakasama.
Bukod sa mabait, ang mga Kambing o Tupa ay madali ring maawa at mabagbag ang damdamin, lalo na sa mga taong mahirap ang pamumuhay at alam nilang walang-wala.
Kaya kapag hindi naging maingat at mapili sa pakikipagkaibigan at pakikipagsosyo sa negosyo o kaya ay hindi maingat sa mga taong kanilang pagkakatiwalaan, malaki ang posibilidad na ang Kambing o Tupa ay maloko ng kanilang mga kasama.
Kaya ngayong Taon ng mga Baboy, walang dapat gawin ang Kambing o Tupa kundi ang maging mapagmatyag at bago sumuong sa transaksiyon, siguraduhin muna nila ang katapatan ng mga taong kanilang nakauusap upang maiwasan na sila ay maloko o maisahan ng mga taong mapagsamantala.
At dahil mabait at maawain ang Kambing o Tupa ay ipinapalagay ding sobrang emosyunal at maramdamin sila, gayundin madaling naiimpluwensiyahan ng mga taong kanilang nakakasama. Ibig sabihin, madaling mauto at mabola ang mga Kambing o Tupa.
Kaya kadalasan, nagiging biktima rin sila ng maling palagay kung saan kapag sinasabi mo sa Kambing o Tupa na wala kang kuwentang tao, mahina ang iyong personalidad at sunud-sunuran ka lang sa asawa o taong umiimpluwensiya sa iyo at wala kang sariling disposisyon sa buhay, malamang na paniwalaan kaagad ito ng Kambing o Tupa.
Kaya kapag ikaw ay may boyfriend, girlfriend o asawa na isinilang sa animal sign na Goat o Sheep, ang dapat mong gawin ay huwag na huwag mo siyang pagsasabihan ng mga negatibong salita na ikasisira ng kanyang diskarte at pagkatao dahil kung ano ang sasabihin mo sa kanya, mas malamang na paniniwalaan ka niya dahil ang mga Kambing o Tupa ay madaling maimpluwensiyahan ng mga sinasabi sa kanya ng ibang tao, lalo na ng mga taong mahal niya at malalapit sa kanya.
Kaya kung ikaw ay may boyfriend, girlfriend o asawa na Kambing o Tupa, ang dapat na sabihin mo sa kanya ay ang mga positibo niyang katangian at palagi mo siyang purihin at bigyan ng positive reinforcement dahil sa ganu’ng paraan, paniniwalaan niya ito, kaya naman siguradong kung ano ang sabihin mo sa kanya, halimbawa ay sinabi mo sa kanyang “magtatagumpay ka, uunlad at magiging maligaya, habambuhay” – paniniwalaan niya ito at siguradong sa bandang huli, kung ano mismo ang sinabi at idinikta mo sa kanya, ‘yun mismo ang paniniwalaan niya at siguradong ‘yun din mismo ang mangyayari sa kanya, hindi lamang sa kanyang buhay kundi sa kanyang kapalaran. (Itutuloy)
Comments