ARELLANO, KAMPEON ULI SA CHEERLEADING
- A. Servinio
- Mar 30, 2019
- 1 min read

NAKAMIT ng Arellano University Chief Squad ang pambihirang tatlong sunud-sunod na kampeonato sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 94 Cheerleading Competition noong Huwebes sa Mall of Asia Arena. Ito na rin ang nagsilbing pormal na pagsara ng taon para sa liga sa paghirang sa San Beda University bilang pangkalahatan o overall champion sa Seniors Division.
Gamit ang mga kanta buhat sa Dekada 90, malinis ang ipinakita ng Chiefs sa kanilang 5 minuto sa sahig. “Kumuha ako ng inspirasyon sa musika ng aking kabataan at sumasayaw sa mga fiesta,” wika ni Coach Lucky San Juan.
Binigyan ang Arellano ng 229.5, pito lang ang lamang sa pumangalawang University of Perpetual Help System-Dalta Perps Squad. Ginulat ng Mapua University Chirping Cardinals ang lahat sa pagkuha nila ng 3rd place sa 211.5 puntos.
“Ngayon pa lang iniisip ko na ang ika-apat na kampeonato sa susunod na taon kung saan kami ang host,” dagdag ni Coach San Juan. “Sa ipinakita ng mga ibang koponan, masasabi ko na marami sa kanila ang kayang tumalo sa amin.”
Hindi naging biro ang hirap na dinaanan ng koponan lalo na at tatlong beses sa isang araw sila kung mag-ensayo. Bilang marka ng kanilang pagkakaisa, sabay nagpagupit ng buhok ang mga babaeng kasapi habang nagpahaba ng buhok ang mga lalake.





Comments