PAGULAYAN AT DE LUNA, PAKAY ANG WORLD POOL CROWN

MATAGAL nang walang Pinoy ang nakakaupo sa trono ng malupit na World Pool Masters at ang pagkauhaw na ito sa korona ay inaasahang papatirin ng alinman kina Alex “The Lion” Pagulayan at Jeffrey “The Bull” de Luna sa pagsisimula ng 2019 edisyon ng torneo ngayong Marso 29 sa Victoria Stadium ng Gibraltar.
Maagang nakahambalang sa daraanan nina Pagulayan at de Luna sa kanilang paglalakbay sa by invitation only na 24-kataong paligsahan sina Wu Jia-qing ng China at ang Austrian na si Albin Ouschan ayon sa pagkakasunod-sunod.Dala ni Pagulayan, tubong Isabela, sa pagharap niya sa Intsik ang tikas ng pagiging kampeon sa 32nd Annual Music City Open 9-Ball Championships at sa Scotty Townsend Memorial 9-Ball at One Pocket kamakailan.
Samantala, nakaangkla si de Luna sa kumpiyansa ng pangingibabaw sa 6th Annual Cole Dickson 9-Ball tourney at sa Sunshine City 9-Ball Tournament. Sa kasaysayan ng kompetisyon, isa ang Pinoy na si Francisco “Django” Bustamante sa mga multiple winners nang magwagi ito noong 1998 at 2001.
Nasa talaan din ng mga mababangis na manunumbok sa $100,000 na bakbakang 9-ball si two-time winner Niels Feijen (Netherlands), US Open king Jayson Shaw (Scotland), Ko Pin-yi (Taiwan), Konrad Juszczyszyn (Poland), World 9-Ball titlist Joshua Filler (Germany), Eklent Kaçi (Albania), Skyler Woodward (USA), Shane Van Boening (USA), Chris Melling (UK), David Alcaide (Spain), Naoyuki Oi (Japan), Matt Edwards (New Zealand), Francisco Sanchez Ruiz (Spain) at ang WPA no.1 lady player na si Han Yu ng China.
Kung malulusutan ang unang mga sagabal, swak na sina Pagulayan at de Luna sa final 16. Dito haharapin ni Pagulayan si Ko Pin-yi habang si de Luna ay babangga kay Filler. Ang Taiwanese at ang Aleman ay seeded na sa final 16. “Winner breaks”, “30-second shot” at “race-to-7” ang tuntunin sa preliminary rounds ng paligsahan.





Comments