Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG MAKAPAG-ABROAD AT MAKATULUYAN ANG KASALUKUYANG BF


KATANUNGAN
Kapapasa ko lang sa Nursing Board Exam, gayundin ang boyfriend ko habang nasa Australia naman ang ate, mga kapatid at mama ko, hinihintay na nila ako para ru’n na rin ako magtrabaho. Ang problema, nangako kami sa isa’t isa ng boyfriend ko na walang mag-a-abroad o aalis sa amin dahil ayaw naming magkalayo baka kasi kapag nagkalayo kami ay hindi na kami ang magkatuluyan.
Ang plano namin ay magtatrabaho na lang kami sa private hospital at mas maganda kung sa iisang ospital kami magwo-work.
Kaya lang nalilito ako ngayon dahil panay ang tawag sa akin ng ate ko, pinasusunod na raw ako ni mama sa Australia at kinukulit nila ako na ayusin ko na ang mga papeles ko.
Maestro, paano ang pangako namin sa isa’t isa ng boyfriend ko na walang aalis sa amin? Ano ang nakaguhit sa aking mga palad at ano ang dapat kong gawin? Kami na ba ang magkakatuluyan ng boyfriend ko o magkakahiwalay din kami sa bandang huli?
KASAGUTAN
Kung minsan, wala namang nagagawa ang mga plano, pangako, pangarap o sumpaan sa itinakda ng kapalaran.
Kadalasan pa nga, kapag sadyang nakatakda na ang kaganapan, tanggihan man natin ito o ayawan, hinding-hindi natin ito matatakasan dahil sa bandang huli, ang nakatakda pa rin ang matutupad! Tulad ng pagkakahalal kay Pangulong Rodrigo Duterte, kahit ayawan pa ito ng mga “dilawan at ng Simbahan” dahil nakatakda na siyang maging pangulo ng bansa, kahit ang mga libu-libo pang anghel sa langit ang magprotesta, mananatili pa rin si Pangulong Duterte sa Malacañang dahil ‘yun ang nakatakda sa kanyang kapalaran.
Ganu’n yun, kapag nakatakda, kahit gaano ka pa makapangyarihan, hindi mo mapipigilan ang kapalarang sa iyo ay malaon ng nakalaan.
Samantala, tiyak na makapag-a-abroad ka, Ms. Libra, ayon ito sa malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi mapipigil ng pangako ninyo sa isa’t isa ng boyfriend mo na hindi kayo maghihiwalay sapagkat ito ang itinakda ng kapalaran — ang makapagtrabaho ka at ito ay magaganap sa malapit na hinaharap.
Ngunit, ang nakatutuwa, dahil iisa lang ang makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung matagal na kayong magkarelasyon ng boyfriend mo habang meaningful at quality relationship naman ang namamagitan sa inyong dalawa, sinasabing kahit na magkalayo kayo ng boyfriend mo, sa pinakamalalang senaryo ay nakarating ka na halimbawa sa Australia, sa bandang huli, ang takdang kapalaran ang kusang gagawa ng paraan upang kayo ay muling pagtagpuin ng tadhana kung saan muling magkikita at pagdurugtungin ang inyong naunsiyaming relasyon at sa pagdurugtong na ito, hindi na kayo magkakahiwalay pang muli upang pagkatapos ay tuluyan na kayong magsasama at bubuo ng panghabambuhay at maligayang pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Ang buhay ng tao ay walang ipinagkaiba sa telenobela. Maraming kadramahan at iba’t ibang nakaiiyak at nakatutuwang mga eksena. Pero, kung paano itu-twist ng direktor ang mga pangyayari, nasa husay na ito ng manunulat na siyang nagpapaganda ng ating buhay, kahit ano pa ang ating sapitin, masasabing dahil hindi natin alam ang climax o ending, ito ang nagpapasara sa tinatawag nating “life.” Oo, ‘yung hindi mo alam ang ending, pero alam mong ikaw ang bida sa pelikulang buhay mo ang istorya.
Habang, ayon sa iyong mga datos, tiyak ang magaganap, tuluyan ka ng makapag-a-abroad upang pansamantalang iwanan dito sa ‘Pinas ang iyong nobyo. Sa panahon ng inyong nakaiiyak na paglalayo, mapipilitan na rin siyang mangibang-bansa at magkaroon ng ibang girlfriend.
Ngunit, tulad ng nasabi na, sadyang hindi kayang pigilan ng mga ikinikilos at ginagawa ng tao ang nakatakda niyang kapalaran. Lilipas ang mga tatlo o apat na taon ninyong paglalayo ng boyfriend mo, sa taong 2023, pipihit muli ang kamera ng kapalaran habang paisa-isang pumapatak ang snow kung saanman kayo naroroon, muli kayong pagtatagpuin ng tadhana upang tuparin ang ipinangako ninyo sa isa’t isa — ang magmahalan ng wagas at magkaroon ng maligaya at panghabambuhay na pamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).




Comments