Pigilan ang pagpasok ng mga terorista!
- BULGAR

- Mar 23, 2019
- 1 min read

NAKABABAHALA ang posibilidad na maging takbuhan ng mga terorista ang Pilipinas.
Ito umano ang maaaring mangyari sa pagwawakas ng caliphate ng ISIS sa Syria.
Sa panayam sa national security expert na si Prof. Rommel Banlaoi, karamihan umano sa mga dayuhang terrorist fighter na nakipaglaban sa Syria ay nagsisibalikan na sa kanilang mga bansa.
Ito ay makaraang magapi at makubkob na ng mga awtoridad ang kanilang kuta sa Syria.
Bukod sa mga Pinoy fighter na nakipaglaban sa Syria, maaaring may mga dayuhang terorista rin na ikonsiderang sa Pilipinas magpunta.
Kumbaga, Pilipinas ang maituturing umano nilang “New Land of Jihad”.
Ito ang dapat paghandaan ng ating mga awtoridad.
Kung saan maaaring ang tingin ng ISIS, partikular na sa Mindanao ay bahagi ng kanilang lalawigan.
Gayundin, ang Malaysia at Indonesia na nakikita rin umano nilang destinasyon.
Kaya habang hindi pa nangyayari, paghandaan na ito.
Isantabi na ang pamomolitika, korupsiyon at kriminalidad, kailangang magkaisa at protektahan ang ating bayan mula sa mga grupong nanghahasik ng karahasan.





Comments