Kahulugan na hindi masaya sa love life
- BULGAR

- Mar 23, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Tender Green ng Tender_Green@facebook. com
Dear Professor,
Sumulat na ako sa inyo mga ilang taon na ang nakalipas at tamang-tama ang interpretasyon ninyo sa panaginip ko.
Madalas akong managinip na nasa tubig daw ako kung saan nakalutang at unti-unting lumulubog.
Para itong totoo dahil nararamdam ko ang lamig at pressure ng tubig kahit sa panaginip lang.
Pero, unti-unti akong lumulubog hanggang sa hindi na ako makahinga.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Tender Green
Sa iyo Tender Green,
Ang buhay ang numero-unong pinakamahalaga kaysa sa ibang mga bagay. Sa ganitong katotohanan, ikaw ay mahigpit na pinapayuhan na magpatingin sa doktor dahil maaaring ang iyong panaginip ay nagbababala ng karamdaman na may kaugnayan sa iyong heart or lungs.
May mga pagkakataong kapag ang puso ay maraming tubig, mananaginip ang indibidwal ng tulad mismo ng panaginip mo, gayundin, kapag ang baga ay nagkaroon ng tubig.
Paano kung nagkataong ayon sa doktor ay okay naman ang kalusugan mo?
Ang napanaginipan mo ay naglalarawan na ang hinahangad mo ay ang kaligayahang maka-ubos-hininga na para kang nalulunod sa ligaya.
Palatandaan din ito na hindi ka masaya sa love life mo, kulang na kulang ka sa ligaya at ang payo ay nagsasabing pakawalan mo ang iyong sarili sa pagkakakulong sa kung anu-anong bagay na ibinakod mo sa iyong buhay
Pangkaraniwan, ang mga bakod na inilagay ng tao sa kanyang sarili ay ang mga makalumang patakaran ng buhay at mga pag-aalala sa mga sasabihin ng mga tao.
Kapag ang tao ay nakalaya sa nasabing mga “bakod ng buhay”, siya ay magsisimula nang makaranas ng saya na matagal na niyang pinakaaasam-asam.
Kaya mahalaga na ikaw ay personal na maligaya. Nabubuhay ka ba sa sarili mong mundo kung saan ikaw lang ang nasusunod?
Mahirap man maunawaan, ang kaligayahan ay bunga ng pagiging malaya.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo




Comments