Pambansang Bae, may surprise pa sa labs mo, Daniel… VIDEO NG YAKAPAN NINA ALDEN AT KATHRYN, KALAT NA
- BULGAR

- Mar 20, 2019
- 1 min read
Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

MAY kumakalat na video ngayon ng bagong on screen love team na sina Kathryn Bernardo at Alden Richards kung saan mapapanood ang pagyayakap ng dalawa at ang birthday surprise ng huli para sa kanyang bagong leading lady.
May Instagram user na may account name na @phildada ang nag-upload ng video na napag-alaman na kuha sa ginanap na look test para sa kanilang unang pelikulang pagsasamahan na ididirek ng blockbuster director na si Cathy Garcia-Molina.
Makikita rin sa video na si Alden ang nanguna sa pagkanta ng Happy Birthday habang hawak-hawak ang cake na sorpresa para kay Kathryn.
Ayon kay Direk Cathy, nauna na ang birthday surprise nila para sa aktres dahil baka hindi na raw nila ito uli makita sa kadahilanang magbabakasyon ito kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa isang pribadong beach resort.
Nakatakdang magdiwang si Kathryn ng kanyang 23rd birthday ngayong darating na March 26.
Matapos hipan ni Kathryn ang kandila, inasar pa siya ni Direk Cathy na mukhang natagalan daw yata ang aktres sa pagwi-wish.
Sagot ni Kathryn, “Para sa atin lahat ito!”
Ito ang unang pagsasama nina Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa pelikulang nakatakda nang i-shoot sa darating na Abril kung saan iikot ang istorya sa kuwento ng dalawang OFWs na nasa Hong Kong.
Sa kabila ng pagkakaroon ng sari-sariling love team ng dalawa, tinanggap at sinuportahan pa rin naman ng kani-kanilang fans ang unang pelikulang pagsasamahan nila.





Comments