Alamin mula kay Maestro... KAPALARAN NG MGA IPINANGANAK SA YEAR OF THE HORSE
- BULGAR

- Mar 20, 2019
- 2 min read


SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Kabayo o Horse ngayong 2019 ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Horse kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002 at 2014.
Ang Year of the Horse ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Mercury at sa Western Astrology, ito ay kumakatawan sa zodiac sign na Gemini.
Sinasabing higit na mas tahimik, maunlad at maligaya ang mga Kabayo na isinilang ngayong tag-araw kung ikukumpara sa mga Kabayo na isinilang sa panahon ng taglamig o kaya ay tag-ulan.
Ngunit, sa pangkalahatan, pinaniniwalaang dahil ang Kabayo ay takbo nang takbo at minsan ay naglalakbay kung saan-saan, natatahimik, nagiging “smooth” o panatag ang buhay ng Kabayo pagtuntong nila sa middle age.
Kaya kung ikaw ay Kabayo at napapansin mong ang buhay mo ay medyo magulo, pabagu-bago, hindi mapirmi sa maayos at masayang love life, isipin mo na lang na ganu’n talaga ang buhay o kapalarang itinakda sa iyo, pero siyempre, manalig ka pa rin na pagtuntong mo sa edad na 35 hanggang 40, ‘yung medyo magulo o hindi tahimik na kapalarang ipinagkaloob sa iyo ng tadhana ay unti-unti nang magbabago kung saan lilinaw na ang dating malabong tubig sa batis hanggang sa nagma-matured ka na may kaakibat na maraming suwerte, tagumpay at magagandang kapalaran na kusang ipagkakaloob sa iyo ng langit.
Kaya para sa mga Kabayo, hindi mahalaga ang tumakbo nang tumakbo sa arena ng buhay, sa halip, ang higit na mas mahalaga ay ang matuto kang maghintay at makuntento sa mga pangyayari at sitwasyong ipinagkakaloob sa iyo ng tadhana. Oo, dapat makuntento at maging kampante ka lang habang nasasagupa mo ang mga buhul-buhol na karanasang ito.
Dagdag pa rito, sinasabing ilan sa mga pangunahing hindi mapasusubaliang katangian ng Kabayo ay ang pagiging masayahin, malaya, gala nang gala, hindi lamang ang pisikal na katawan kundi pati na rin ang isipan.
Ang totoo pa nga rito, dahil ganu’n ang isa sa mga pangunahing katangian ng Kabayo, sa sandaling ginusto o nakursunadahan talaga nila ang partikular na bagay, walang duda, makukuha niya ito nang bonggang-bongga.
Ang problema lamang sa katangian ng Kabayo, kung minsan ay wala naman talaga siyang gusto, kumbaga, naghahangad lamang siya ng kalayaan, lakwatsa at gala. Dahil dito, kadalasan ay napababayaan nila ang tunay at dapat niyang i-priority sa buhay.
Ang nakapagtataka pa sa Kabayo kahit hindi siya nakakulong, pero gustung-gusto niyang makawala o gumala-gala, kaya naman ganundin ang kadalasang nagiging takbo ng kanyang isipan, pangarap, career, love life at ambisyon sa buhay, hindi kampante, hindi panatag, bagkus, kung saan-saan napupunta, kumbaga, sa nanunungkit sa mataas na puno ng kamatsile, ‘yung layunin, ambisyon at love life ng Kabayo ay palaging nasasalalak.
Ibig sabihin, nasungkit mo na iyong kamatsile, imbes na mahulog at masapo mo na kaagad, nasabit pa sa maliliit na sanga at dahon ang mga ito, kaya hindi tuloy mahulug-hulog sa lupa upang tuluyan mong masapo at maibulsa.
Kaya sinasabing kung matututunan lamang ng Kabayo na mag-concentrate sa iisang bagay o kaya ay kung mapipigil niya ang kanyang isipan na sumuot kung saan-saan at itututok o itutuon niya ang kanyang sarili sa iisang solidong ambisyon, walang duda, ang Kabayo ay magkakaroon ng matagumpay at maligayang pamumuhay.
(Itutuloy)




Comments