Sey ng experts... PAGBIBILANG NG ISA HANGGANG SAMPU, KERING MAKAPAGPAPAPAYAT!
- BULGAR

- Mar 19, 2019
- 2 min read

MARAMI sa atin ang may ‘ritwal’ bago tuluyang gawin ang partikular na bagay — halimbawa nito ang pagdarasal bago kumain bilang pasasalamat sa mga biyaya. Pero, sa pag-aaral, may bagong natuklasan ang mga eksperto kung saan ang pagpikit at mabagal na pagbibilang mula isa hanggang sampu ay nakatutulong umano sa pagpapapayat?
Weh, totoo ba ‘yun?
Sa pag-aaral na nai-published sa Journal of Personality and Social Psychology, ang simpleng ritwal bago kumain ay nakatutulong upang maging conscious at may disiplina ang indibidwal sa pagkain.
Ang pag-aaral ay pinangunahan ni Allen Ding Tian, assistant professor sa Shanghai University of Finance and Economics.
Isinagawa ang pag-aaral ng 6 rounds ng assessment sa 1,800 kalahok.
Sa pag-aaral, hinati sa dalawang grupo ang mga kalahok at inatasan ang unang grupo na gumawa ng ‘ritwal’ bago kumain. Halimbawa nito ang pagkatok sa lamesa, pagpikit at mabagal na pagbibilang mula isa hanggang sampu.
Gayunman, ang ikalawang grupo ay inatasang i-monitor ang kanilang calories at nutritional value ng pagkaing kinokonsumo nila.
Napag-alaman ng mga researcher na ang grupong nagsagawa ng nasabing ritwal bago kumain ay nagkonsumo ng mas kaunting calories kumpara sa ikalawang grupo.
Dahil dito, ayon sa mga researcher, kung kaunti ang calories na makokonsumo ng indibidwal, maiiwasan nila ang pagkakaroon ng karagdagang timbang.
Samantala, ang resultang nabanggit sa pag-aaral ay naihalintulad ng mga eksperto sa isa pang pag-aaral na may kaugnayan sa physical at psychological temptation.
Sa pag-aaral na ito, ang mga kalahok ay nag-evaluate ng kanilang kagustuhang magkansela ng party para mag-volunteer sa welfare project.
Lumabas sa pag-aaral na ang mga kalahok na mayroong ‘ritwal’ bago magdesisyon ay piniling mag-volunteer sa nasabing project.
Dahil dito, napatunayan ng mga researcher na ang pagkakaroon ng ritwal ay hindi lamang nakatutulong sa pagbabawas ng timbang, gayundin sa pagkokonsidera sa iba pang mga bagay bago tuluyang magdesisyon.
Ayon sa mga researcher, ang pangyayaring ito ay mula sa region ng utak na responsable sa disiplina sa sarili at stamina kung saan ang mga ito ay maaaring ma-stimulate kapag nagsagawa ng ritwal ang indibidwal.
Gayundin, ang pag-uulit ng nasabing kaugalian ay nagti-trigger sa utak para mag-adjust ito sa bagong patterns at mag-alter sa eating behavior.
Ayon sa mga eksperto, ang mga resulta ng pag-aaral ay nagsasabing, kayang tiisin ng indibidwal ang temptasyon sa pamamagitan ng ritwal bago kumain.
Gayundin, ang resultang ito ay hindi lamang maaaring i-apply sa pagkain kundi maging sa decision-making din.
Akalain mo nga naman, ang simpleng ‘ritwal’ na ito ay epektibong pampapayat. Kaya para sa mga beshy natin diyan na gustong sanayin ang pagkokontrol sa sarili, try n’yo na ito, mga beshy!
Basta bago kayo kumain, pumikit at bumilang lang muna kayo. He-he-he!
Copy?





Comments