GILAS SAKTO SA EUROPE GROUP, DRAW NG FIBA WORLD CUP CHINA

SAKTO at walang puwedeng ituring na magaang na grupo sa kinalabasan ng idinaos na draw noong Sabado ng gabi sa Shenzhen Cultural Center sa China para sa 2019 FIBA World Cup na gaganapin mula Agosto 30 hanggang Setyembre 15 sa China.
Maging ang Group D kung saan napasama ang Gilas Pilipinas ay mabigat dahil kasama nila roon ang mga itinuturing na European powerhouse Serbia, Italy at Angola.
Makakaharap ng Gilas ang Serbia, na tumapos na pangalawa sa huling FIBA World Cup na ginanap noong 2014 sa Spain.Silver rin ang napanalunan ng Serbia sa nakaraang Olympics na ginanap noong 2016 sa Rio De Janeiro, Brazil.
Posible namang maglaro para sa Serbia ang mga NBA players na si Nikola Jokic ng Denver Nuggets, Bogdan Bogdanovic ng Sacramento Kings, at Boban Marjanovic ng Philadelphia 76ers.
Hindi rin basta basta ang Italy na inaasahang papalaruin para sa FIBA Basketball World Cup sina Marco Bellineli ng San Antonio Spurs at Danilo Gallinari ng Los Angeles Clippers.
Hindi rin padadaig ang Angola na nakapasok rin sa 2014 FIBA World Cup at nagtapos na pang-17th sa kompetisyon.
Gaganapin ang mga laro ng Group D sa Foshan International Sports and Cultural Center sa probinsya ng Foshan, China. Inaasahang mangingibabaw sa grupo ang Serbia, ang losing finalist noong 2014 FIBA World Cup at kasalukuyang no.4 sa world ranking.
Nasa ranggo namang pang-31 ngayon ang Team Philippines, 18 spots ang layo sa pang- 13th rank Italy at 8 slots naman ang agwat sa pang-39th na Angola.
Batay sa tournament format, ang top two teams sa walong grupo ay uusad sa second round kung saan ang dalawang best squads ay papasok ng quarterfinals.
Ang mangungunang dalawa sa Group D ay makakasama ng top two sa Group C na binubuo ng Spain, Iran, Puerto Rico at Tunisia sa second round.Napabilang naman ang host China sa Group A kasama ng Ivory Coast, Poland at Venezuela habang magkakasama naman ang Russia, Argentina, South Korea at Nigeria sa Group B.
Humanay naman ang defending champion USA sa Group E kasama ng Japan, Turkey at Czech Republic.
Pinangungunahan naman ng Greece na tatampukan ng NBA superstar na si Giannis Antetokounmpo ang Group F kung saan kasama nila ang New Zealand, Brazil at Montenegro habang binubuo ang Group G ng Dominican Republic, France, Germany at Jordan.
Samantala, nabunot upang bumuo sa Group H ang Canada, Senegal, Lithuania at Australia. Idaraos ang mga laro ng Group A sa Beijing sa Wuhan naman ang Group B at Guangzhou sa Group C.
Gaganapin naman ang mga laro ng Group E sa lalawigan ng Shanghai, ang Group F sa Nanjing, ang Group G sa Shenzhen at ang Group H sa Dongguan Province.





Comments