FUELS, BINASAG ANG BEER


TINULDUKAN ng Phoenix Fuel Masters ang four-game winning streak ng San Miguel Beer matapos itarak ang 96-93 panalo kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Panabo City Multi-Purpose Tourism Cultural and Sports Center sa Davao.
Tumikada si Matthew Wright ng 25 points at anim na rebounds para sa Fuel Masters na nanatili sa tuktok ng team standings kapit ang 9-2 card. Nalasap ng SMB ang pang-apat na talo sa 10 laro.
Tabla ang iskor sa 90-All pero sumalpak si Wright ng pandiin na tres para makuha ang bentahe 93-90 para sa Phoenix may 1:57 minuto sa 4th quarter.
Nagbaon pa si Jason Perkins ng panelyong fade away upang hawakan ng Fuel Master ang five-point lead, 95-90 may 39.6 segundo na lang sa orasan.
Sumagot agad si Arwind Santos ng three-point shot kaya biglang nabuhayan ang fans ng San Miguel, dalawang puntos na lang ang hinahabol may 26 segundo pa sa payoff period.
May pag-asa sanang makahirit ng OT game ang Beermen o masikwat ang panalo subalit nag-error sila at tuluyan ng nakuha ng Phoenix ang panalo. Maagang nagpakitang-gilas ng Phoenix, hinawakan nila ang 14-point lead, 33-19 sa first quarter.
Subalit bumawi ng bahagya ang SMB sa 2nd quarter, nilagok nila ang 27-16 para ibaba sa tatlo ang kanilang hinahabol, 46-49 sa halftime.
Samantala, muling magkikita ang Magnolia Hotshots at Barangay Ginebra ngayong araw sa Araneta Coliseum. Matagal nang hinihintay ng crowd favorite ang araw na magkatapat muli upang makabawi sa kanilang pagkalugmok ng nakaraang conference.
Galing sa dalawang sunod na panalo ang Magnolia, tangan nila ang 3-4 record habang 4-3 ang karta ng Gin Kings. Magkakaldagan sa unang laro ang NLEX at Blackwater sa alas-4;30 ng hapon. (ATD)





Comments