CUIZON, PINAGMALUPITAN MUNA BAGO NAG-CHAMP SA CARCAR OPEN

INIANGAT ni Kirk Aia Cuizon ang antas ng kanyang pagsulong sa mga piyesa ng ahedres upang pangunahan ang pagtawid sa meta ng Carcar Open Chess Tournament sa Super Metro Event Center ng Carcar City, Cebu.
Anim na magkakasunod na panalo ang ipinoste ni Cuizon, 22-anyos at isang Cebu Technological University stalwart, bago ito nagmenor sa isang draw para selyuhan ang kampeonato sa torneong umakit ng 46 na disipulo ng chess.
Nakatikim ng malupit na paorma ang kampeon, may rating na 1888, sina Kristel Cloe Cuizon (round 1), Ailo Barangan (round 2), Sarah Yvonne Chavez (round 3), Randy Laurido (round 4), no. 2 Cristy Cabungcag (round 5) at topseed Hector Villamora (round 6) samantalang sa hatian ng puntos nauwi ang laro niya sa huling round laban kay 7th ranked Jovanie Corro. Kabuuang 6.5 puntos at performance rating na 1902 ang naipakita ni Cuizon.
Pumangalawa si Cabungcag matapos makaipon ng 6 puntos samantalang ang pre-tournament favorite na si Villamora ay nasadlak sa 3rd place dahil sa nakolektang 5.5 puntos at mas mataas na tiebreak points. Nakuha ni Corro ang pang-apat na posisyon (5.5 puntos) habang itinanghal na 5th best woodpusher si unrated Ailo Barangan dahil sa rekord na 5 puntos.
Samantala, pinatunayan ni Havere James Sumatra na angkop sa kanya ang “topseed” na bansag nang sumulong siya papunta sa trono ng Monkayo Chess Club Tournament sa Davao dala ang halos walang mantsang kargada na apat at kalahating puntos (mula sa apat na panalo at isang tabla).





Comments