Siya raw ang nagdala sa aktor sa network… SIGAW NI TEDDY KAY EMPOY: UTANG NA LOOB MO SA AKIN ANG KAS
- BULGAR

- Mar 10, 2019
- 3 min read

FIRST time naming nainterbyu ang Rocksteddy lead vocalist na si Teddy Corpuz sa kanyang launching film under Regal Films, ang Papa Pogi na ipapalabas na sa March 20.
Hindi lang pala magaling na performer sa stage si Teddy, masarap din itong kausap dahil hindi siya ‘yung tipong “isang tanong, isang sagot” na celebrity.
Dahil launching film nga niya ang Papa Pogi, ikinukumpara siya ngayon kay Empoy Marquez na mas unang ini-launch kesa sa kanya at nag-box office actor pa nga thru Kita Kita with Alessandra de Rossi.
Sabi ni Teddy, happy siya sa nangyari sa career ni Empoy pero ayaw naman niyang magpa-pressure kung matutumbasan o mahihigitan niya ang narating nito.
Magkaibigan daw sila at naikuwento nga niyang siya ang nagdala kay Empoy sa TV5.
“Si Empoy, ako ang nagdala kay Empoy nu’ng nasa TV5 pa ako. (Sabi ko) Ako pa ang nagsabi sa manager mo na bawasan ang TF mo kasi ang laki raw ng TF na hinihingi mo,” sey ni Teddy.
Dagdag pa niya, “Kung bakit ang dami mong shows sa TV5, utang na loob mo sa akin ‘yun.”
‘Kaaliw na kuwento ni Teddy, siya ang nagsabi sa business unit head ng Lokomoko na kunin si Empoy at isama na rin siya, pero ang ending, ang una lang ang kinuha.
Biro pa ni Teddy, “Eh, di ako (sana) ang Willie Revillame ng TV5 kung sakali.”
Samantala, tinanong din namin si Teddy kung bakit sa tingin niya, sa kanilang mga taga-It’s Showtime, ang Hashtags lagi ang nali-link kay Vice Ganda at silang mga co-hosts ay hindi naman?
“Well, natural ‘yun, eh, ‘di ba, kasi guwapo. Normal kay Vice ‘yun, eh, na ma-link kay ganito, kay ganyan,” paliwanag ni Teddy.
Dagdag nito, “Minsan, advantage pa nga, eh. Feeling ko, kailangang i-grab ng Hashtags. Kunwari, na-link sa kanila o biniro sila, i-grab mo ‘yun, kunin mo ang opportunity na ‘yun.”
Kaya lang daw, minsan ay defensive ang ilang Hashtags members na nali-link kay Vice kaya nalilipat sa iba ang ‘opportunity’ tulad ng nangyari kay Ion Perez na nakilalang Kuya Escort ng It’s Showtime.
“Ang galing lang, parang sinakyan ni Ion. Ang ganda lang kasi nagiging parang spontaneous siya, hindi siya planado, ‘O, gawin nating star si Ion, ha?’ Wala kaming intensiyong ganu’n before.”
Pero ang nangyayari nga raw, dahil bumebenta sa mga tao ang tuksuhan kaya sinumang ma-link kay Vice ay biglang sumisikat.
Ibinigay ngang example ni Teddy si Xian Lim na nag-guest noon sa It’s Showtime. That time raw, hindi pa putok na putok ang pangalan ni Xian. Naging hurado ito sa show at hinarana ang katabing si Vice Ganda.
“After nu’n, gumanu’n (biglang umangat) si Xian Lim, eh! Pramis!” sabi pa ni Teddy.
Nagpakita raw ng talent si Xian that time sa Magpasikat Ka.
“Nag-piano siya, nag-saxophone yata siya, nag-gitara, lahat! Ginamit niya lahat ng instruments, so (parang ang mga tao), ‘Wow, hanep, talented pala si Xian Lim.’
“So, nagamit niya ‘yung panliligaw-ligaw kay Vice na daan din para gumanu’n (umangat). So, ang laking advantage nu’n, ‘yung puwedeng ma-link, puwede nilang gamitin ‘yun for them.”
Pero nilinaw ni Teddy na hanggang tuksuhan lang naman daw ‘yun, although kinumpirma niyang magkakabarkada si Vice at ang mga Hashtags members.
“Pumupunta sila kay Vice. Kunwari si Nikko, sina Zeus, pumupunta sila sa bahay ni Vice, nagba-bonding talaga sila, nag-iinuman sila ru’n, nagkukuwentuhan sila. Close talaga sila,” aniya.
Nilinaw din niya ang pagkaka-link nina Vice at Ion nang ibuking ni Jhong Hilario na nagkita ang dalawa after ng isang party na pinuntahan nilang mga hosts ng It’s Showtime.
“Meeting lang ‘yun, platonic kumbaga, nothing’s intimate,” sabi ni Teddy.
Nilinaw din niyang biglaan lang ang tuksuhan sa show at hindi ‘yun scripted at nakakatuwa naman daw na bumebenta sa studio audience at sa manonood.
Anyway, happy and thankful si Teddy na bukod sa pagba-banda, may bago siyang career ngayon bilang movie actor. Excited na siya sa premiere night ng Papa Pogi sa March 18 at bagama’t wala pa raw venue, inimbitahan na niya ang mga co-hosts niya sa It’s Showtime.
Siyempre, expected niya ang pagdating at suporta ng mga ito dahil sabi nga niya, nu’ng ang mga co-hosts ang may kani-kanyang movie at ganap sa buhay, nandu’n siya para sumuporta.
Leading lady ni Teddy Corpuz ang super-seksing si Myrtle Sarrosa at bida rin ang Funny One Season 2 grand champion na si Donna Cariaga.
Kasama rin sa cast sina Joey Marquez, Lassy, Nonong Ballinan, Dawn Chang, Hashtags Nikko Natividad, Zeus Collins at Luke Conde.
Mula sa direksiyon ni Alex Calleja, showing na ang Papa Pogi sa March 20 mula sa Regal Entertainment.




Comments