top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Hangga‘t hindi pa lubusang nakakamit ang tagumpay... MGA TAONG TUMUTULONG SA MGA BIKTIMA NG PALPAK N

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 8, 2019
  • 6 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

MAY mga pagkakataon na hindi man lubos ang tagumpay, ito ay ipinagpapasalamat pa rin nating lahat. “Salamat” ang usal ng mga taong sa huli ay magwawagi.

Noong March 1, 2019, si dating Department of Health (DOH) Secretary Dra. Janette Garin at ang labingsiyam (19) na iba pang mga akusado na sinampahan ng kaso ng Public Attorney’s Office (PAO) sa ngalan ng mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia at namatay ay kina­suhan ng Department of Justice (DOJ) ng reckless imprudence resulting in homicide.

Nagpapasalamat ang mga magulang na kliyente ng PAO sa kanilang mga abogado, kasama sa adbokasiya at mga tagasuporta sa DOJ dahil nakita nila ang aming mga punto at katwiran hinggil sa mga kapabayaan at respon­sibilidad na dapat panagutan sa batas ni dating DOH Secretary Garin at ang nabanggit na labingsiyam (19) na iba pa. Higit sa lahat, ikinokonsidera ng PAO na araw din ng tagumpay ang pagsalubong sa buwan ng Marso sa sambayanan dahil sa kasong ito ng DOJ sa nasabing mga akusado at napatunayan natin na may matibay na medical links na sinusuportahan ng mga ebidensiya na naiuugnay sa kamatayan ng mga anak ng aming kliyente sa Dengvaxia. Dagdag pa rito, kinakatigan ng DOJ ang katotohanan na hindi ang PAO ang pinagmulan ng ibinibintang na vaccine scare.

Sa kabila nito, hindi ganap ang tagumpay ng mga biktima at kaanak nila. Higit naming naramdaman ang pighati ng pagluluksa dahil sa hindi nakasama sa mga kinasuhan ng DOJ ang kalihim ng Department of Health ngayon na si Sec­retary Francisco Duque III at ang Zuellig Pharma. Gayunman, hindi pa tapos ang laban dahil may mga remedyo pa sa batas na maaaring gawin ang PAO. Magpa-file kami ng motion for reconsideration upang papanagutin sila. Hini­hintay lamang natin ang kopya ng resolusyon na galing sa DOJ. Ang Zuellig Pharma ang distributor ng Dengvaxia, samantalang, si Secretary Duque ay may responsibilidad na dapat panagutan sa pagkasawi ng mahigit sampung (10) bata na nabakunahan at pumanaw sa ilalim ng kanyang administrasyon bilang secretary.

Si Secretary Duque ay nagsimulang muling manung­kulan bilang secretary noong November 7, 2017. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay nabakunahan ang 10 bata habang “clinical trial phase 3” pa ang bakuna hanggang November 30, 2017. Pagkatapos bakunahan na ayon sa PAO forensic findings ay namatay ang mga sumusunod na bata na may pare-parehong sintomas — pagdurugo, paglaki at pamamaga ng “brain o internal organs”:

Minabuti ng mga magulang na manahimik muna si Jansyn Art Bataan (Quezon City) na nabakunahan noong November 29, 2017 ganap na 6:00 ng gabi. Ito ay matapos ang ilang oras kung kailan inihayag ng Sanofi Pasteur na hindi dapat maibigay ang Dengvaxia vaccine sa mga batang hindi pa nagkakaroon ng dengue bago mabakunahan. Samantala, sina King Martin Luther Ancheta (Mandaluyong) at Levon Zirine C. Santos (Malabon) ay parehong naba­ku­nahan noong parehong araw ng November 30, 2017 sa mag­kaibang lugar. Ito ay isang (1) araw matapos ipahayag ng Sanofi Pasteur na hindi puwedeng iturok ang Dengvaxia sa mga seronegative o hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Ang mga nabanggit na katotohanan ay bahagi ng mati­tinding papel ng mga “nailigtas” (sa ngayon) na mga akusado na hindi kailanman mabubura sa alaala ng mga naulilang magulang ng mga pumanaw na biktima ng Dengvaxia. Kaya hahabulin at hahabulin natin sila hanggang sa kadulu-duluhan pag-abot sa kamay ng hustisya.

Habang naghahanda tayo sa susunod nating hakbang sa labang ito, may inang namimighati at nagngangalit ang dib­dib na nakararamdam ng mga pagpapaalala mula sa kanyang mahal na anak na pinaniniwalaang Dengvaxia rin ang sanhi ng kamatayan. Ang naturang ina ay si Gng. Sherry Mae A. Samorin (Gng. Samorin) at ang kanyang suma­kabilang-buhay na anak ay si Zwitsal A. Samorin (Zwitsal).

Si Zwitsal ay labing-apat (14) na taong gulang na namatay noong February 23, 2018 sa Chonghua Hospital, Don Ma­riano Cui St., Fuente Osmena, Cebu City. Naturukan siya ng Dengvaxia ng isang (1) beses noong July18, 2017. Ang pagtuturok sa kanya ay nangyari sa Health Center ng Pob­lacion Pardo, Cebu City. Siya ang pang-isandaan at da­la­­wampu (120) sa mga sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team na nabakunahan ng Dengvaxia at namatay. Isinagawa ng naturang grupo ang nasabing pag­susuri pagkatapos hilingin ni Gng. Samorin ang kanilang serbisyo para sa mga labi ni Zwitsal. Ayon kay Gng. Samorin: “Si Zwitsal ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig sumayaw at bilugan ang kanyang ka­tawan at hindi pa nagkaroon ng malubhang sakit. Kailan­man ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, maliban na lang noong siya ay nagkaroon ng malubhang sakit na humantong na sa kanyang biglaang pagpanaw. Kahit na siya ay nagka­roon na ng dengue bago siya maturukan ay hindi naman siya naging kritikal. Monitoring lang ng fluids ang ginawa namin. Bakit nang mabakunahan siya ng Dengvaxia ay nagkasakit na siya”?

Ang ilang yugto sa masasakit na pangyayari sa buhay ni Zwitsal ay ibinahagi ni Gng. Samorin:

1. “Ang pagkakasakit ni Zwitsal ay nagsimula noong August 2017. Nagkaroon siya ng pabalik-balik na lagnat at pananakit ng ulo. Noong September 13, 2017, maliban sa pabalik-balik na lagnat ay nakaramdam din siya ng pagsusuka, ubo, sakit ng ulo at tiyan, kaya dinala ko siya sa Chong Hua Hospital”.

2. “Napansin namin na nagkaroon siya ng allergic reactions sa gamot na ininom niya na paracetamol. Na­mamaga ang kanyang mukha at dahil dito, dinala ko si Zwitsal noong October 4, 2017 sa Community Hospital sa Jones, Cebu City. Ang sabi ng doktor sa naturang ospital ay mayroon daw siyang Sepsis Chronic Anemia.

3. “Doon sa Chong Hua, sinabi na kailangang isailalim sa CT Scan si Zwitsal. Matapos siyang ma-CT Scan ay lu­mabas na ang resulta nito at diumano ay mayroon siyang blood clot sa kanyang ulo na may laking 7 mm in diameter.

4. “Ni-refer sa Nuero Surgeon ang kanyang kaso at ni-request kaagad nito na kailangang maoperahan si Zwitsal. Inopera­han siya noong November 19, 2017 at paulit-ulit siyang inoperahan. Sumailalim siya sa anim (6) na operasyon. Lima (5) sa ulo at isa sa lalamunan hanggang sa bumigay na ang kan­yang mahi­nang katawan. Bago siya mamatay ay nagtagal siya ng walumpu’t siyam (89) na araw sa ospital. Na­matay siya noong Feb­ruary 23, 2018. Ang orihinal na kopya ng Certificate of Death ng aking anak na si Zwitsal ay nasa ospital pa dahil hindi ko pa naba­bayaran ang bill na nagkakahala­gang P1,643,980.75.”

Ibinigay ni Gng. Samorin ang dahilan ng paglapit niya sa PAO:

“Dahil sa palaisipan sa akin ang sanhi ng karamdaman ng aking anak na si Zwitsal at ang mga naramdaman niyang sintomas ay kahalintulad ng mga sintomas na naram­daman ng mga iba pang batang nabakuna­han ng Dengvaxia na pumanaw na ay na­pagdesisyunan kong humingi rin ng tulong-legal kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta at upang isailalim sa forensic examination ang labi ng aking anak na si Zwitsal. Ito ay para malaman ko ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.”

Bukod sa mga matinding hirap na dina­nas ni Zwitsal bago ito namatay at ang higit sa isang milyong hospital bill na hindi pa nababayaran, ang hirap na binabalikat ni Gng. Samorin ay higit pang pinabibigat dahil ang orihinal na kopya ng Dengvaxia Im­munization Card ni Zwitsal ay nasa panga­ngalaga ngayon ng Public Assistance Unit ng Department of Health sa Central Office nito.

Ang mga sumusunod ay ang mga pahayag hinggil dito ni Gng. Samorin:

“Ito ay ayon sa sulat na may petsang November 26, 2018 mula kay Dr. Jaime S. Bernadas, MD, MGM, CESO III, Director IV ng Center for Health Development VII, Cebu City, bilang tugon sa sulat ng Public Attorney’s Office (PAO)- Cebu District Office na may layuning bawiin ang mga doku­mentong aking isinumite sa DOH para ma­proseso ang diumanong financial assistance/refund ng hospital expenses mula sa DOH tulad ng (1) death certificate; (2) re­ceipts of the purchased medicines; (3) billing state­ments at Dengvaxia card.

“Nang dahil sa nasabing sulat ay nagpadalang muli si Atty. Tenebro (PAO- Cebu District Office) ng Demand Letter kay Secretary Francisco Duque III noong Decem­ber 6, 2018 upang hilingin na maibalik sa akin ang mga dokumentong aking isinumite kaugnay sa sinasabi nilang financial assistance mula sa DOH. Subalit hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang nasabing Demand Letter mula kay Sec. Duque”.

“Ang pagbibigay ng financial assistance na ito sa halagang P50,000.00 ay hindi naman nangyari maging ang pagbibigay tulong diumano na mabayaran ko ang humigit 1.6 million pesos na bill ng aking anak sa ospital na hang­gang ngayon ay hindi ko pa nababayaran.” (Binig­yang-diin). Wala diumano silang natanggap mula sa sinabing pangako.

Ang pagkamatay ba ng mahal na anak ni Gng. Samorin ay kulang pa para dagdagan pa siya ng karagdagang pasanin? Ang tanong bang ito ay maituturing na pagtangis sa ilang (cry in the wilderness) na maaaring walang makarinig kahit na alingawngaw man la­mang nito? Nananatili ang aming giting sa labang ito, anuman ang mga sagot sa tanong na ito.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page