YULO, SERYOSO SA 2020 OLYMPICS, SASABAK SA BAKU WORLD QUALIFIER
- Eddie M. Paez, Jr
- Mar 6, 2019
- 2 min read

IPAGPAPATULOY ni Carlos Edriel Yulo ng Pilipinas ang kanyang paglalakbay patungo sa 2020 Tokyo Olympic Games sa pamamagitan ng paglahok sa pangalawang olympic qualifier ngayong taong ito na tinaguriang Federation Internationale de Gymnastique (FIG) Baku World Cup sa Azerbaijan simula Marso 14 hanggang 17.
Kasamang lalahok ng 19-anyos na si Yulo ang kababayan at SEA Games double gold medalist Reyland Capellan sa malupit na kompetisyong umaakit na ng mga kalahok mula Argentina, Australia, Austria, Belgium, Belarus, Brazil, China, Croatia, Egypt, Spain, Finland, France, Great Britain, Georgia, Germany, Greece, Guatamela, Hong Kong, Honduras, Hong Kong, India, Iran, Israel, Italy, Japan, Kazakhstan, Korea, Mexico, Netherlands, New Zealand, Romania, Russia, Slovakia, Sweden, Taipei, Turkey, Sweden, USA at ang punong-abalang Azerbaijan.
Si Yulo ay babanat sa apat na events: floor exercise, parallel bar, horizontal bar at vault. Sa kabilang dako, ang 25-anyos na si Capellan ay nakatutok sa floor exercise at vault.
Sariwa si Yulo sa pagkopo ng korona ng floor exercise event noong nakaraang buwan sa 2019 World Cup Gymnastics sa loob ng Melbourne Arena.
Nagkampeon si Yulo sa event na pang-seniors sa tulong ng kanyang iskor na 14.566 puntos. Walang dungis ang kanyang performance sa sagupaan.
Sa elimination round ng bakbakan sa Australia, pumangatlo si Yulo sa eliminations sa likod nina Ahmet Onder ng Turkey at Zapata.
Kasama rin sa mga nakatunggali ng Pinoy sa huling yugto ng event bukod sa Hapones, sa Turkish pride, Briton gymnast at sa Kastila ay sina Casimir Schimidt ng Netherlands at ang alas ng punong-abala na si Christopher Remkes. Dahil sa tagumpay, nagtutuluy-tuloy ang podium streak ng Pinoy.
Noong 2018 World Championships sa Doha, Qatar, nakagawa ng kasaysayan ang binatilyo bilang unang kinatawan ng Pilipinas na nakasampa sa podium matapos itong itanghal na bronze medal winner. (Eddie M. Paez, Jr.)





Comments