Pumunta sa san roque at nakakita ng aso

Salaminin natin ang panaginip ni Jufel ng Jufel_ Balderosa@facebook.com
Dear Professor,
Nais kong itanong ang kahulugan ng aking panaginip. Nanaginip ako na pumunta raw ako sa San Roque kung saan sumakay ako ng tricycle at bumaba.
May nakita akong lalaki na nakatayo, may tungkod at may katabing aso sa gilid. Nang makita ko siya, ibinuka niya ang kanyang mga kamay at parang sinasabi niyang “halika”.
May nakita akong bundok at narinig ko ang salitang “kumapit ka sa krus na may lubid patungo sa langit”, sinunod ko ‘yun at may nakausap akong matanda at may ibinibigay siya sa akin na hindi ko nakikita.
Sana, masagot ninyo ito.
Salamat!
Naghihintay,
Jufel
Sa iyo Jufel,
Noon pa man, sinasabi na natin na kapag ang tao ay sobrang problemado,siya ay makapananaginip ng mga banal na personalidad at ng mga pangrelihiyong senaryo. Tulad mismo ng sinabi mo na napanaginipan mo si San Roque at ang kanyang banal na aso.
Alam mo, iha, ang santo bago maging santo ay kailangan muna niyang mapatunayan na siya ay naghihimala, kumbaga, kaya naging ganap na santo si San Roque ay dahil napatunayan niya ng maraming beses na siya ay naghihimala. Siyempre, hindi natin ipinipilit na maniwala kang si San Roque nga ay nakagagawa ng mga himala. Nababanggit lang naman natin ito dahil nga ‘yan ang kanyang naging kasaysayan.
Ang kahulugan ng panaginip ay hindi rin ipipilit sa iyo dahil puwede kang hindi agad-agad na maniwala. Si San Roque ang dapat mong maging personal saint.
Bawat bahay ay may altar na sa bawat altar ay may banal na personalidad at mga larawan o imahen ng mga santo. Inirerekomenda sa iyong altar na dapat ay nakalagay si San Roque.
Gawin mo ito dahil ayon sa iyong panaginip, espesyal ka sa paningin ni San Roque, kaya nababagay at espesyal din si San Roque sa iyo. Mag-alay ka ng mga panalangin sa iyong santo at huwag mong kaligtaan na siya ay palagi mong lilinisin at aalisan ng alikabok.
Sa totoo lang, lahat tayo ay may mga altar sa bahay, pero ang tao dahil abala sa mga materyal na mga bagay, nakaliligtaan na nilang linisin ang kanilang altar, kaya ang mga alikabok ay kumapal na sa mga santo at kapag humihingi sila ng saklolo ay hindi na sila tinutulungan.
Kasi nga ang pinahahalagahan ng tao ay ang mga materyal na bagay at hindi ang kanilang espirituwal na pangangailangan.
“Naalala lang kita ng ako ay may kailangan.” Ang mga salitang ‘yan ay bahagi ng awit ng isang rapper. Pero, ito ay makabuluhan sa lahat ng panahon dahil ang tao ay nakaaalala lang sa banal na personalidad kapag siya ay may kailangan. Pero, okay din kapag ganu’n, kasi ang langit ay walang hanggan ang pang-unawa sa tao dahil ito rin ang ibig sabihin ng nasusulat na “sapagkat gayun na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan”.
Muli, ayon sa iyong panaginip, gawin mong personal saint si San Roque.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments