ORCULLO, HARI SA MP 10-BALL OPEN SA GENSAN

KINUHA ng batikang manunumbok at dating world champion na si Dennis “Robocop” Orcullo ang korona sa singles event habang nanilat naman ang tambalan nina Tino Prieto at Jeffrey Jimenez tungo sa doubles diadem ng 2019 Sen. Manny Pacquiao 10-Ball Open Tournament sa Veranza Mall ng General Santos City.
Dinaig ni Orcullo, itinanghal na 2018 AZBilliards no. 2 cue artist, ang 2017 US 14.1 Straightpool titlist na si Lee Van “The Slayer” Corteza sa isang maigting na winner-take-all finale, 11-9, para sa titulo ng sagupaang umakit ng mahigit 100 manunumbok na nangangarap sumikat tulad ng mga alamat na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante.
Nauna rito, nagpakita rin ng kahandaan si Orcullo, pangatlo sa 2019 Derby City Classic (DCC) Master of the Table, para sa paglahok nito sa World 10-Ball Championships nang talunin niya sina Anton Raga (10-6), Jeffrey De Luna (9-2), Michael Baoanan (9-3), Ryan Maglasang (9-4), Jonas Magpantay (8-2), Demosthenes Pulpul (8-6) at Marlo Loro (8-6).
Nakuntento sa pangatlo at pang-apat na puwesto sina Revo David at Raga ayon sa pagkakasunud-sunod habang nabigo na makapasok sa podium ang mga bigating manunumbok tulad nina dating world 9-ball king Carlo “The Black Tiger” Biado, minsan nang naging world 8-ball at world 10-ball winner Ronnie “The Volcano” Alcano na pambato ng Laguna, ang Finland ace na si Mika “The Iceman” Immonen, 2017 world 9-ball bridesmaid Roland Garcia, DCC 9-Ball runner-up Zorren James “Dodong Diamond” Aranas, 2-time All Japan Billiards titleholder Johann Chua at ang Cebuanong si Warren “The Warrior” Kiamco.
Samantala, ang pinagsamang puwersa nina Prieto at Jimenez ay sorpresang dinaig ang tandem nina Biado at Raga sa doubles bracket finals.





Comments