Malinaw ayon sa palad... MISIS NA NAKATAKDANG UMUNLAD SA PAGNENEGOSYO NG MGA PANGANGAILANGAN SA ARAW


KATANUNGAN
May tindahan kami sa kasalukuyan, ang ipinagtataka namin ay kung bakit kaya kahit anong pagsisikap ang gawin naming mag-asawa ay parang kulang pa rin dahil palagi pa rin kaming kapos sa pera at may mga utang pa, gayung masipag naman kami sa aming negosyong tindahan na public market sa Gapan?
Kung magpapalit kami ng produkto o mag-iiba kami ng negosyo, ano sa palagay ninyo, may pag-asa pa kaya kaming makabangon sa utang at yumaman? Iba’t ibang uri ng damit ang kasalukuyan naming paninda.
May pag-asa pa kaya kaming yumaman, kung mayroon, kailan kaya ito mangyayari? Anong kalakal ang bagay sa aming mag-asawa? May 5, 1978 ang birthday ko at December 31, 1974 naman ang birthday ng mister ko.
KASAGUTAN
Sadyang compatible ang zodiac sign mong Taurus sa zodiac sign na Capricorn ng iyong mister sapagkat ang Taurus at Capricorn ay kapwa pinaghaharian ng elementong lupa. Ibig sabihin, kung matutunan ninyo ang sakto at tamang paninda, tiyak ang magaganap, makakamit din ninyo ang masagana at maunlad na pamumuhay kung saan puwede ninyong ipalit o idagdag na produkto sa inyong kasalukuyang paninda ay ang mga kalakal na may kaugnayan sa pagkain, grocery o kaya ay mga lamang-butil at mga agricultural product, gayundin, ang mga basic need o mga bagay na pang-araw-araw na ginagamit ng tao.
Sa ganyang paraan, sa tamang produkto at angkop na negosyo na babagay sa zodiac sign at birth date tulad ninyong mag-asawa, hindi pa huli ang lahat para makaahon kayo sa mga pagkakautang hanggang sa tuluy-tuloy nang yumaman na madali namang kinumpirma ng kapwa straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan ninyong palad. Ibig sabihin, basta patuloy kayong nagtinda at nagsikap sa bago at mas angkop na produkto, tulad ng nasabi na, darating din ang eksaktong panahong lalago at uunlad din ang inyong kabuhayan.
DAPAT GAWIN
Luzviminda, ayon sa inyong mga datos, tama ang naisip ninyo ni mister, magbago kayo ng kalakal o produkto at sa mga produktong nabanggit na sa itaas, tiyak ang magaganap, ngayong 2019, sa edad mong 41 pataas at 45 naman si mister, makaaahon na kayo sa mga pagkakautang, unti-unti nang lalago ang inyong negosyo hanggang sa tuluyan na kayong yumaman (N-N arrow b.) na magsisimulang maganap sa 2028, sa edad mong 50 pataas at 54 naman si mister.




Comments