Bukod daw sa mga gamot na iniinom mo, lodi! 8 THINGS NA DAPAT LINISIN PAGKATAPOS MAKA-RECOVER SA FLU
- Ms. Jersy
- Mar 3, 2019
- 3 min read
No Problem

ANG sarap sa pakiramdam na wala ka nang iniindang trangkaso, ‘di ba? Siguradong lahat ng puwedeng gawin para hindi ito bumalik, eh, gagawin natin tulad ng pagkain ng mga prutas na mayaman sa citrus, pag-eehersisyo at pagpapahinga. Pero, mga beshy, narito ang mga bagay na dapat ninyong linisin pagkatapos ninyong maka-recover mula sa flu:
1. REMOTE CONTROL. Noong hindi maganda ang pakiramdam natin, siguradong ginawa nating libangan ang panonood ng TV. For sure, pati ang mga miyembro ng pamilya natin ay gagamit ng remote control, kaya besh, make sure na nalinis mo ito gamit ang disinfecting wipes. Okie?
2. MOBILE PHONE. Tinamaan ka man ng flu o hindi, siguradong may bakterya ang iyong mobile phone. Ayon sa pag-aaral, ang cellphone ay may iba’t ibang uri ng pathogens at bacteria na maaari umanong makapagpabalik ng iyong flu. Kung ginamit mo ang iyong phone nu’ng ikaw ay may flu, linisin mo ito sa pamamagitan ng disinfectant wipes.
3. SHEETS AND PILLOWCASES. Alam na! Kung tinamaan ng flu si bagets, siguradong ang mga bed sheet at pillowcase ay contaminated na rin. Upang maiwasan ang pagdami ng virus dito, palitan kaagad ang mga gamit na ito at labhan. Kung washable ang inyong mga unan, puwede rin ninyo itong labhan, pero kung hindi, huwag muna itong gamitin sa loob ng ilang araw hanggang sa tuluyang mawala ang mga virus.
4. BLANKETS. Siguradong ginamit ninyo o nina bagets ang mga kumot dahil nilalamig kayo noong kayo ay may sakit. Pero, ang mga kumot na inyong nagamit ay dapat ding malinisan pagkatapos ninyong malampasan ang flu. Inirerekomenda ng mga eksperto na gumamit ng mainit na tubig sa paglalaba nito, gayundin ang mainit na temperatura ng dryer upang mas mabilis na mamatay ang mga virus na nanirahan dito.
5. TOOTHBRUSH. Ayon sa mga eksperto, kumakapit sa matitigas na bagay ang flu virus kaya posible itong maiwanan sa toothbrush, partikular sa bristles nito. Bagama’t, immune ka na sa virus na dumapo sa iyo, posible pa rin umanong maipasa ang virus sa ibang tao. Maaaring linisin ito sa pamamagitan ng pagbabad sa mouthwash sa loob ng ilang minuto. Puwede ring bumili ka na lang ng bago. He-he-he!
6. BATHROOM. Gripo, lababo at toilet handle — kaagad na linisan ang mga bahaging ito ng inyong banyo dahil siguradong nahawakan ito ng sinumang nagkaroon ng flu sa inyong pamilya. Gayundin, itapon n’yo na ang mga laman ng basurahan ninyo dahil ang mga laman nito ay posibleng magkalat pa ng virus. Copy?
7. STUFFED ANIMALS. For sure, naging cuddle buddy ni bagets ang kanyang paboritong teddy bear noong siya ay may sakit. Mabuting linisan muna ito upang hindi bumalik ang flu virus kay bagets. Kung hindi ito puwedeng labhan gamit ang mainit na tubig, oks na rin kung lalabhan ito sa regular na pamamaraan.
8. KITCHEN. Sino ba ang hindi pinilit bumangon para pumunta sa kusina at maghanap ng makakain? Hmmm… dahil siguradong contaminated ang iyong mga kamay noong panahong may sakit ka, make sure na lilinisin mo rin ang kusina, partikular sa mga hawakan ng drawer at cabinet. Gayundin, punasan mo ang mga container na pinaglalagyan ng mga pagkain at palitan ang dishwashing sponge.
Kering-keri nang maiwasan ang pagbalik ng flu kapag pinanatili nating malinis ang ating mga tahanan. Gayundin, mas maging maingat tayo, araw-araw nang sa gayun ay goodbye flu na talaga. He-he-he!
Copy?





Comments