Kahit daw tutulug-tulog kayo ay sadyang lalapitan kayo ng mga biyaya... KATOTOHANAN TUNGKOL SA MARAR
- BULGAR

- Mar 2, 2019
- 2 min read


SA pagkakataong ito ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Dragon ang ating tatalakayin.
Tandaang ikaw ay mapapabilang sa Year of the Dragon kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012.
Ang Year of the Dragon ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Mars at sa Western Astrology ang Year of the Dragon ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Aries.
Pinaniniwalaang higit na mahusay at makapangyarirahan ang Dragon na isinilang sa mga panahon ng tag-araw at tag-sibol kung ikukumpara sa Dragon na isinilang sa panahon ng tag-ulan at tag-lamig kung saan ang mga Dragon na ito ay asahan mong tutulug-tulog sa pansitan, kaya kung minsan ay tutulug-tulog din ang kanilang kapalaran.
Tama, ‘yung mga negatibong Dragon ay palaging inaantok, mahilig magpuyat, tanghali na kung bumangon, kampante at walang pinoproblema sa buhay.
Kaya naman ang mga Dragon na ito ang mas kinatatakutan. Ito ay dahil sa sandaling gumising na ang natutulog na Dragon, gigising na rin ang natutulog nilang kapangyarihan at napakagandang kapalaran.
Oo, kahit napapansin mong kung minsan ay tutulug-tulog ang Dragon, ang totoo, mayroon silang taglay na napakalaki at napakadakila na magandang kapalaran na sa madaling salita, “itinadhana na sila ng langit sa mismong araw noong sila ay isinilang.
Kaya sadyang masarap magkaroon ng kaibigan, anak, magulang, kakilala, kapatid, kasama sa bahay at Dragon na malapit sa iyong buhay dahil batid mong biglang susuwertehin ang nasabing Dragon na ito, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay at kapag biglang “nagising ang natutulog na suwerte ng Dragon” dadagundong ang paligid dahil sobrang laking suwerte ang kanilang matatanggap mula sa langit, tiyak na ang mga taong nakapaligid sa kanila ay maaanggihan at siguradong kanilang babalatuhan.
Ibig sabihin, kaya tutulug-tulog ang mga Dragon ay may napakalaking suwerte talaga na naghihintay sa kanilang buhay at ang suwerteng ito, tulad ng nasabi na ay sadyang malaon na o matagal ng nakalaan sa kanila noong mismong araw na sila ay isinilang sa mundo.
Ganito, ang sabi sa librong Chinese Elemental Astrology ni E.A. Crawford hinggil sa kapalaran ng Dragon: “Those born under the animal sign of the Dragon are said to wear the horns of destiny.”
Ang tanong ngayon, kung ikaw ay Dragon, paano mo malalaman kung ang kapalaran mong dala-dala bago ka pa isinilang ay maganda ba talaga kaya ito darating sa iyong buhay? Samantala, kung sakaling ikaw ay Dragon at medyo inaalat ang iyong tadhana o kapalaran sa kasalukuyan, ang tanong paano mo ito maiiwasan?
Ang mga tanong sa itaas ay bibigyang-kasagutan natin sa susunod na mga araw, basta patuloy lang kayong sumubaybay sa lalong pinaganda at pinagbuting pag-aanalisa ng inyong taglay na katangian at kapalaran para ngayong 2019 na sa Chinese Astrology ay tinatawag na Year of the Boar o Taon ng Bulugang Baboy.
(Itutuloy)




Comments