CLARKSON, BILIB SA GILAS PAPAYAGAN KAYA SA FIBA?

NAGPAKITA ng interes si Jordan Clarkson na maglaro para sa Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA Basketball World Cup sa China.
Sa isang post sa kanyang Instagram account, sinabi ni Clarkson na interesado siyang maglaro sa Pilipinas sa darating na FIBA World Cup na gaganapin mula Agosto 30 hanggang Setyembre 15 sa China. “Congrats to my bros and the country such an honor for the country, qualifying for the world cup, so hyped!!! hope to see you guys in China!!! #Puso,” wika ni Clarkson sa kanyang Instagram account kahapon.
Naglaro na ang Cleveland Cavaliers superstar ng NBA para sa Pilipinas sa Asian Games noong nakaraang taon sa Jakarta kung saan dinala niya ang koponan sa disenteng fifth place sa kompetisyon ngunit may kumplikasyon pa rin ang paglaro ni Clarkson sa FIBA Basketball World Cup.
Ayon sa batas ng FIBA, kailangan lamang ng isang naturalized player ang bawat koponan sa kanilang mga torneo. Upang maging tinatawag na local player ang isang manlalaro ay kailangang nakakuha siya ng passport bago siya maging edad 16.
Si Clarkson ay may hawak na Philippine passport ngunit nakuha niya ito pagkatapos niyang maging edad 16, ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio sa isang panayam ng Agence France Presse. Dahil dito ay makokonsiderang naturalized player si Clarkson.
Sa kasalukuyan ay may naturalized player na ang Gilas Pilipinas sa katauhan ni Andray Blatche, na umiskor ng 41 points laban sa Kazakhstan upang makuha ang puwesto sa FIBA Basketball World Cup.
Ayon kay Panlilio, gagawin ng SBP ang lahat upang makalaro si Clarkson sa World Cup. “We have been trying to convince or discuss the matter with FIBA. Everyone is working on the matter and we will do everything we can to make it happen. Based on our constitution, he is Filipino. He has a passport. But he got it after he was 16 years old,” saad ni Panlilio.





Comments