Mga kandidatong todo-pramis, bantayan ‘pag nanalo na sa puwesto
- BULGAR

- Feb 26, 2019
- 1 min read

OIL price hike na naman! Mula noong Enero 2019, malaki na ang itinaas sa presyo ng petrolyo.
Dagdag pa ang pagtaas dahil sa excise tax.
Batay sa ulat, umabot na sa P5.04 kada litro ang itinaas sa presyo ng gasolina, P4.44 naman sa diesel habang P3.17 sa kerosene.
At ngayong araw, panibagong bigtime price hike na naman!
Inaasahang tataas ng P1.40 hanggang P1.75 kada litro ang gasolina, P1.40 hanggang P1.50 naman sa diesel habang P1.30 hanggang P1.40 sa kerosene.
Nangangahulugan ito na mag-a-adjust din ang presyo ng iba pang bilihin at serbisyo — domino-effect.
Kung magtutuluy-tuloy ang pagsirit ng presyo sa petrolyo, tiyak lalong igigiit ang pagtaas sa pamasahe. Hindi rin natin masisisi ang mga tsuper dahil may pamilya rin silang binubuhay.
Kaya kabilang din sila sa mga umaasa na magkakaroon ng pagbabago sa isyung ito kasabay ng eleksiyon.
Maraming kandidato ang nangangako na pabababain ang presyo ng mga bilihin. Ang tanong, sino kaya sa kanila ang mananalo at tutuparin ang ipinangako?
Madaling sabihin na gagawa ng batas pabor sa mahihirap pero, ‘pag nariyan na sa puwesto, kaninong interes kaya ang talagang mangingibabaw?
Ang taumbayan na pinangakuan kapalit ng boto o ang mga nasa likod nilang mayayaman na namuhunan para sa kanilang kandidatura?





Comments