Paglalabas ng narco-list bago maghalalan, aprub!
- BULGAR

- Feb 23, 2019
- 1 min read

TILA bumabaha na naman ng iligal na droga.
Araw-araw ay may mga nahuhuling tulak at milyun-milyong halaga ng droga ang nasasabat.
Hindi nauubos ang supply at kasabay ng pag-arangkada ng kampanya, hindi maiwasang isipin na umiikot na naman ang drug money.
Kaya isa sa paraang naiisip ng gobyerno, tanggalan ng maskara ang mga kandidatong sangkot sa droga.
Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na bago maghalalan sa Mayo ay ilalabas na ang listahan ng mga pulitikong sinasabing sangkot sa iligal na droga o narco-politicians.
Anila, may hawak na silang inisyal na listahan ng mga opisyal na kabilang sa narco-list.
May mayor, konsehal, congressman at iba pa na nag-aambisyon ulit sa puwesto. Sila ang mga hindi dapat iboto.
Kaya mag-ingat at huwag padadala sa vote-buying na ang pera ay galing din sa droga.
Ang pakiusap lang natin sa mga ahensiya ng gobyerno na maglalabas ng nasabing listahan, tiyakin nating tumpak ito.
Hindi na sana maulit ‘yung nangyari noon na kinuwestiyon ang inilabas na narco-list dahil may ilan umano sa mga ito ang matagal nang patay o hindi na nagsisilbi sa pampublikong tanggapan.
Sa halip na makatulong sa halalan baka lalo pa itong makagulo at tatawa lang ang mga tunay na sangkot sa iligal na droga.





Comments