BULLPUPS, SASAKMALIN ANG CROWN, PIPIGILAN BA SILA NG BLUE EAGLETS?
- BULGAR

- Feb 22, 2019
- 1 min read

SUSUBUKAN nang sungkitin ng Nazareth School-National University (NSNU) Bullpups ang korona sa UAAP Juniors kontra Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eaglets sa Game 2 ng UAAP Juniors Finals ngayong Biyernes (Pebrero 22), na mapapanood ng live sa ABS-CBN S+A mula sa FilOil Flying V Centre ng 3 pm.
Hindi nagpatinag ang Bullpups nang malamangan sila sa halftime sa Game 1 at nagpasabog ng 28-15 sa third quarter sa tulong ng kanilang big men na sina Carl Tamayo at Kevin Quiambao, na hindi nagpasindak sa nagtatangkarang poste ng Ateneo na sina Kai Sotto at Geo Chiu. Sinabayan pa ng pag-arangkada nina Terrence Fortea at Gerry Abadiano, naiuwi ng Bullpups ang panalo sa iskor na 70-58.
Samantala, nakadale ng turnovers ang Blue Eaglets, lima mula kay Sotto na nagtala rin ng 16 points at 15 rebounds at walo sa baguhang point guard na si Forthsky Padrigao na unang beses na sumabak sa Finals.
Naniniwala ang ABS-CBN Sports analyst na si Danica Jose na mahirap ang labang haharapin ng Blue Eaglets kahit nasa kanila pa ang MVP ng UAAP Juniors na si Kai Sotto. “Puwede nating sabihin na epektibo talaga ang game plan ng NU kontra sa Ateneo, kung saan binibigyan nila ng pressure sa back court ang Blue Eaglets para lang hindi makatanggap agad ng bola si Kai. Sa tatlo nilang paghaharap, hindi pa natatalo ng Ateneo ang NU kahit nasa kanila pa si Sotto at Chiu. Pero nariyan pa rin ang championship experience ng Ateneo na mahirap tumbasan,” bahagi niya. (VA)





Comments