Kahulugan na may feeling pa para sa ex-husband
- BULGAR

- Feb 20, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Nethneth ng Neth_Nenent@facebook. com
Dear Professor,
Gusto kong malinawan sa mga panaginip ko. Palagi kong napananaginipan ang dati kong asawa.
Palagi niya akong sinasaktan at dahil du’n, mabigat ang kalooban ko sa kanya.
Nanaginip din ako na may kasama siyang ibang babae, kaya sobra akong nasaktan at nalungkot.
Sa ngayon, hindi ko iniisip ang dati kong asawa dahil sa totoo lang ay okay na ako.
Ano ang ibig sabihin nito?
Salamat!
Naghihintay,
Nethneth
Sa iyo Nethneth,
Hindi totoo na okay ka na, iha, dahil ang panaginip ay hindi nagsisinungaling. Pero, ang taong nanaginip, kadalasan ay nagsisinungaling. Ang totoo nga, halos lahat naman ay dinaraya ang kanilang mga sarili na kahit hindi okay ay okay ang sinasabi.
Ayon sa panaginip mo, mahal mo pa rin ang dati mong asawa, pero siyempre, dahil ang sabi mo ay okay ka na, hindi mo aaminin na siya ay mahal mo pa.
Alam mo, iha, ‘yan mismo ang problema ng maraming Pinay, lalo na kapag nalaman nila na ang mahal nila ay may mahal nang iba, pero marami rin namang kahit nambababae ang asawa ay dedma lang basta sila ang inuuwian.
Ngunit, marami ring nasira ang pamilya dahil ayaw pumayag ang nauna, kaya naging broken-family sila.
Ito ang uso ngayon, kaya minsan, parang nagiging pangkaraniwan na lang at hindi na pinahahalagahan ang totoong kahulugan ng kasal.
Gayunman, kung talagang naka-move on ka na, bakit hindi mo subukang muling magmahal? Kapag hindi mo nagawa, kahit hindi mo sabihin, ibig sabihin, hindi ka pa okay.
Mas maganda ang ikalawang hamon dahil kapag muli mong binuksan ang iyong puso sa pagmamahal, papasok ang bagong pag-ibig at ang bagong pag-ibig ay simula ng pagkakaroon mo ng bagong buhay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments