PAKIUSAP SA NSO NG PSC: GABAYAN AT TUTUKAN ANG MGA ATLETANG SASABAK PARA SA SEAG
- Clyde Mariano
- Feb 19, 2019
- 1 min read

SA hangarin na maging matagumpay ang kampanya ng ‘Pinas sa Southeast Asian Games, sinabi ni Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez na kailangan maging seryoso at determinado ang mga atleta para makamit ang pinaka-aasam-asam na tagumpay at muling ibalik ang dangal at paghanga sa kanila ng mga banyagang mga kalaban sa larangan nang palakasan.
Sinabi niya sa mga namumuno sa mga National Sports Associations at mga coaches na huwag sayangin ang panahon at masusing gabayan ang kanilang mga atleta sa kanilang paghahanda para makamit ang minimithing tagumpay.
“All I ask them to train hard and become highly competitive.This is one moment in time all of us work together, consolidate our efforts and pull our resources together for one just cause leading the path to success,” sabi ni Ramirez.
Bilang kaagapay nariyan ang PSC na handang tumulong sa kanilang mga pangangailangan kung saan muli na naman silang makikipagtunggali sa mga kalaban galing sa 10 mga bansa sa 56 sports sa sampung araw na paligsahan na tinaguriang “Southeast Asia biggest sports spectacle” na huling ginanap sa Malaysia noong 2017.
Nabanggit ni Ramirez ang mga kabayanihan ng Pinoy athletes sa huling ginawang SEAG sa bansa noong 2005 kung saan humakot ng 113-84-94 total medals at hinigitan ang 91-61-87 noong 1991 at 52-51-64 noong 1981.
Gagawin ang 30th edition ng biennial meet sa Nobyembre sa bagong gawang New Clark City Sports Complex sa Pampanga.





Comments