TRINITY U, NAKA-UNANG KORONA SA QCBL OPEN


TUMIKADA ng 29 puntos ang sentrong si Daniel De Guzman upang pangunahan ang Trinity University of Asia sa pagsibak sa Nyro Saints, 76-69 at iuwi ang kauna-unahang Open Division title ng QCBL First Conference sa NRMF Gym kamakailan.
Si De Guzman ang naging sandalan ng Trinity Stallions sa paghabol mula sa 25-35 na pagkalagpak sa halftime. Kumayod siya ng 22 sa second half para ibigay nang tuluyan sa Trinity ang panalo sa torneo.
Sinabi ni Trinity coach Alvin Grey na ang kanilang paglalaro sa QCBL ay nagsilbing paghahanda sa kanilang nalalapit na pagsalang sa PBA D-League na sasalihan nila sa unang pagkakataon. ”Magandang chances sa amin itong paglalaro sa QCBL para makapag-gel ang mga bata. Ang ganda nga agad ng teamwork nila rito,” sabi ni Grey na may bagong 7 players sa kanyang line-up.
Sa iba pang laban, ginapi ng SSI Metal ang Magic Seven, 96-87, upang makopo ang Cadet Division crown habang tinalo ng Nemesis and Regalado Vet, 101-90, para maangkin ang Starter Division title.
Nagpasalamat si QCBL Executive Director BJ Manalo sa lahat ng koponan para sa matagumpay na unang salvo ng QCBL. “We thank all our teams, from the owners to the coaches and players, and our sponsors for making our first QCBL successful,” ani Manalo, dating Dela Salle University Archer at team executive ng Globalport sa PBA. (MC)





Comments