SALAMAT AT NAGBALIK NA NAGSASANAY PARA SA SEAG


BALIK-AKSIYON na ang dating top woman rider ng bansa na si Marella Salamat.
Kaakibat ng kanyang pagbabalik matapos ang halos dalawang taong pagkawala sa aktibong kompetisyon upang makapag-pokus sa kanyang pag-aaral ang pagduplika sa kanyang naging gold medal win noong 2015 SEA Games.
Kinumpirma mismo ni Salamat ang kanyang pagbalik sa aktibong kompetisyon sa nakaraang pagdiriwang ng ika-10 taon ng pagkakabuo ng Roadbike Philippines.
Sa katunayan ay nagsimula na siyang magsanay na kasama ng kanyang koponang Corratec na ngayo’y nasa ilalim na ng pamamahala ng 7-Eleven Cliqq by Roadbike Philippines para sa kanilang pagsabak sa darating na Philippine SEA Games.
Pinaghahandaang mabuti ng 24-anyos na rider ang kanyang tangkang pag-ulit sa kanyang gold medal finish sa women’s ITT o individual time trial noong 2015 sa Singapore.
Inumpisahan ni Salamat ang kanyang puspusang pagsasanay noong nakaraang buwan kasama ng mga teammates na sina Irish Wong, Genesis Maraña, Marianne Dacumos, Rica Molina, Jamaeca Cruz Araña at Kim Nicole Oben sa ilalim ng kanilang beteranong coach na si Cesar Lobramonte.
Nauna rito ay sumailalim na sila sa matinding pagsasanay sa dakong hilagang Luzon partikular sa Pangasinan, Baguio, La Union at Subic.
Unti-unti ng bumabalik ang dating porma ni Salamat sa karera na pinatunayan ng kanyang naging tagumpay sa isang criterium race sa Cebu noong bago mag-Bagong Taon. (VA)





Comments