Kahulugan na may feelings parin para sa ex

Salaminin natin ang panaginip ni Mara ng Mara_Maca@facebook.com
Dear Professor,
Hindi maganda ang paghihiwalay namin ng ex ko dahil nalaman kong gumagamit siya ng itim na mahika at sigurado ako ru’n dahil inoobserbahan ko ang mga kilos niya nu’ng kami pa.
Mahigit isang taon na rin kaming hiwalay, pero palagi ko siyang napananaginipan at paminsan-minsan ay naaamoy ko siya.
Nanaginip din ako na may nakita akong tao sa sementeryo, ‘yung dalawang lalaki ay nakatalikod, tapos, ‘yung dalawang babae naman ay nakatingin sa akin at may isa pang babae na may hawak na itim na kandila.
Sana, matulungan ninyo ako.
Salamat!
Naghihintay,
Mara
Sa iyo Mara,
Itim na mahika o Black Magic, totoo ba ito? Parang oo, dahil ang nakasulat sa sagradong aklat na ang kasaysayan ni Moses, ang kanyang pakikipagpalaban sa mga mangkukulam sa Ehipto kung saan gumamit siya ng Divine Magic at ang mga mangkukulam ay gumamit ng Black Magic.
Kaya, totoo ang dalawang sangay ng mahika dahil hindi naman puwedeng sabihin na ang nakasulat sa Bibliya ay kasinungalingan, pero tayong mga Pinoy, madalas ay nagkakamali tayo dahil sa iba’t ibang paniniwala.
Inaakala natin na Black Magic ang ginagawa ng iba dahil hindi ito pangkaraniwan. Akala rin natin na dalawa lang ang klase ng mahika, pero hindi ito totoo dahil may iba pang mahika at ang isa pang klase nito ay ang Natural Magic na tinatawag ding mahika ng kalikasan. Ano ang pagkakaiba ng tatlong nasabing mga mahika?
Ang Divine Magic ay ginagawa ng mga taong banal na may malakas na espirituwalidad habang ang Black Magic naman ay ginagawa ng mga taong sumasamba kay Satanas na sobrang sama ng espirituwalidad, samantalang, ang Natural Magic ay ginagawa ng mga tao na alam ang sikreto ng kalikasan, kaya sila ay masasabing mataas ang antas ng karunungan.
Inobserbahan mo pala ang dati mong kasintahan. Nakita mo ba na sumasamba siya kay Satanas? Gumagamit ba siya ng krus na baligtad? Minumura ba niya ang Diyos? May altar ba siya na ang mga nakalagay ay imahen na may mga sungay?
Kung hindi naman, ibig sabihin, hindi siya nagpa-pratice ng Black Magic. Kung ganu’n, ano ang mga nakita mo na kakaiba sa kanya?
Ang nakita mo ay ang ginagawa ng mga taong nag-aakala na Black Magic ang kanilang pinaggagagawa, pero sa totoo lang, akala lang nila ‘yun.
Ang panaginip ay nagsasabi na ang iyong dating kasintahan ay nasa puso mo pa rin, kumbaga, may puwang pa rin siya sa puso mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments